Disaster News

Mga dioceses sa luzon, umaapela ng tulong

Umapela ng tulong si Father Manny Flores, Jr. – Social Action Director ng Diocese of Baguio para sa mamamayang labis na naapektuhan ng baha at pagguho ng lupa dulot ng pananalasa ng bagyong Ompong kahapon.

Ayon kay Father Flores, hirap ngayon ang iba’t-ibang grupo at maging ang pamahalaan mula sa labas ng Baguio na mag-paabot sa kanila ng tulong dahil isolated pa ang lugar at karamihan sa mga kalsadang papunta ay hindi pa posibleng madaanan.

Gayunman, sinabi ng Pari na puspusan ang pagkilos ng lokal na pamahalaan sa Baguio kasama ang mga volunteers nito upang agad na matanggal ang mga lupa at punong gumuho sa mga kalsada.

“As initial assessment isolated ngayon ang Baguio almost all routes going to Baguio are closed, so right now ganun po yung balita so mahirap pong bumyahe right now sa Baguio papasok at palabas… Marami po [ang landslides] pero ginagawan na naman ng paraan ng ating gobyerno at mga volunteers, nagsikuha na ng mga pala para lang i-ano [isaayos], ang ating road network.” Bahagi ng pahayag ng pari sa Radyo Veritas.

Sinabi ni Father Flores na pangunahing kailangan ay pagkain, mga kumot, hygiene kits at tubig.

Sinabi ni Father Flores na nakapagbahagi na ng inisyal na tulong ang kanilang Diyosesis sa 55 pamilya o 250 indibidwal sa isang evacuation center na kulang pa sa napakaraming apektado ng bagyo.

“For now ang kakailanganin nila ay food, mga beddings, saka tubig, so far yun po yung nirerespond namin with the little goods that we have. Yung mga prepositioned goods natin ngayon halos na ibigay na lahat dun sa isang evacuation center, pero I believe also if you wish to send some financial help that would be great also for us to buy nalang yung mga need, specially dun sa mga evacuation centers in Benguet side po.” Dagdag pa ng Pari.

Nagpapatuloy naman ang assessment na isinasagawa sa buong Benguet na nasa ilalim ng Diocese of Baguio upang matiyak ang tunay na bilang ng mga indibidwal at pamilyang nangangailangan.