Veritas Editorial

Meyor ng Pilipinas?

Mga Kapanalig, pinangangatawanan ni Pangulong Duterte ang nais niyang ibansag natin sa kanya noong siya’y nanalo sa pampanguluhang halalan. “Mayor of the Philippines,” iyan po ang gusto niyang itawag sa kanya. Hindi niya marahil maiwan ang kanyang pagiging alkalde ng Davao City sa loob ng napakahabang panahon.

Kaya naman, hindi nakapagtatakang ang mga iminumungkahi niyang patakaran ay tila ba mga ordinansang ipinatutupad sa mga lungsod, bayan, o kaya naman ay barangay. Gaya na lamang noong isang linggo kung saan, sa isang talumpati sa isang okasyon sa Malacañang, binantaan niya ang mga “tambay” o iyong mga kababayan nating nagpapalipas ng oras sa labas dahil sa kung anumang dahilan. Umuwi na raw sila sa kanilang bahay dahil sila raw ay “potential trouble,” mga taong maaaring magsimula ng gulo. Dagdag pa niya, ang mga kalsada raw ay para sa mga mamamayang sumusunod sa batas at hindi tambayan ng mga kriminal at adik. Mas nakababahala ang nais niyang gawin sa mga tambay: talian daw ang kanilang mga kamay at ihulog sa Ilog Pasig. Muli, droga at krimen na naman ang idinahilan niya upang paalisin ang mga tambay.

Halos lahat na yata ng lungsod, bayan, at maging barangay ay mayroong mga kani-kaniyang ordinansa upang panatilihing payapa ang kani-kanilang lugar, at kasama rito ang pagbabawal sa mga taong tumambay sa mga pampublikong lugar o kaya nama’y ang curfew nang maiiwas tayo, lalo na ang mga bata, sa gulo tuwing sasapit ang gabi. Kaya’t bakit kailangan pang magbanta ni Pangulong Duterte sa mga tambay? Wala ba siyang tiwala sa mga lokal na pamahalaan? Ganito rin ang mga tanong noong pinirmahan niya ang isang executive order na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar. Hindi ba’t mayroon naman nang mga ordinansa ang mga lokal na pamahalaan upang hindi maperwisyo ang mga kababayan nating ayaw makalanghap ng usok ng sigarilyo? At sa totoo lang, parang hindi naman nababawasan ang mga naninigarilyo sa mga ipinagbabawal na lugar, kaya’t hindi masasabing ang utos ng hari—o ng mayor—ay hindi mababali.

Umaasa ang mga bumoto kay Pangulong Duterte na magagawa niya sa buong bansa ang mga nagawa niya sa Davao, na sa kanilang paniwala ay maunlad, mapayapa, at disiplinado ang mga mamamayan. At hindi nila alintana kung gagawin ito sa paraang marahas, di-makatao, at walang makatwirang batayan. Nais nilang gawing pambansang patakaran ang solusyong ginawa ng “mayor of the Philippines” noong nasa Davao pa siya.

Sa Catholic social teaching, may prinsipyong kung tawagi’y “subsidiarity.” Sinasabi ng prinsipyong ito na sa isang lipunan, hindi na dapat panghimasukan ng mga may nakatataas na awtoridad, gaya ng pambansang pamahalaan, ang mga bagay na kaya nang tugunan ng mga nasa pamayanan at ng pinakamaliit na yunit ng pamahalaan—gaya ng munisipyo at barangay. Tutulong ang pambansang pamahalaan sa mga pagkakataong hindi na kaya ng lokal na pamahalaang tugunan ang pangangailangan ng kanilang mga mamamayan, gaya halimbawa sa panahon ng kalamidad o matinding rebelyon. Samantala, ang problemang dala ng mga tambay—kung totoo mang sila ang ugat ng problema—ay kaya naman nang tugunan ng lungsod o ng barangay kung ipatutupad lamang ang ordinansa at kung kukunin nila ang tiwala at tulong ng lahat. Kinikilala ng prinsipyo ng subsidiarity ang kakayanan ng mga nasa pamayanang tugunan ang kanilang suliranin dahil sa ganitong paraan sila nakatitindig bilang pamayanan.

Kaya mga Kapanalig, kung sakit sa ulo natin ang mga tambay, baka ang dapat nating kalampagin ay si kapitan o si meyor. At hayaan natin ang pangulong manguna sa pag-iisip ng solusyon sa mas malalaking problema ng bansa gaya ng mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kawalan ng disenteng trabaho at hanapbuhay, at malawakang pagkasira ng kalikasan.

Sumainyo ang katotohanan.