Mental, spiritual health ng Covid-19 patients; tutukan ng Confradia de San Roque ng Diocese ng Kalookan - Veritas846
500 Years of Christianity CountdownCountdown

September 17, 2020-11:52am

Pinalalakas ng Diyosesis ng Kalookan ang programang tutugon sa mental health ng mamamayan lalu na sa mga nagtataglay ng coronavirus disease.

Ayon kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David-acting president ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) nakatuon sa mental at espiritwal na pagtulong ang binuong Confradia de San Roque o CSR.

Ang Confradia ay grupo ng mga volunteers na katuwang ng mga health care workers sa pagtutok sa COVID-19 patients na inisyatibo ng diyosesis.

“Ang specialization ng aming mga volunteers ay psycho-spiritual first aid; attending to their mental health, but of course some of them are also helping out in contact tracing at saka health care monitoring ng mga COVID patients whether in home quarantine or in quarantine facilities,” pahayag ni Bishop David sa Radio Veritas.

Ika-14 ng Setyembre nang pasinayaan ng diyosesis ang Confradia de San Roque Command Center na magsisilbing clearing house sa lahat ng mga volunteer ng CSR.

Paliwanag ni Bishop David, isang volunteer ang nakatalaga sa isang pasyente na makipag-usap araw-araw upang kumustahin ang kanilang kalagayan at pakiramdam habang nasa quarantine facilities.

Ito ang tugon ng diyosesis upang tulungan ang medical healthcare workers na maiwasan ang labis na pagkapagod sa mga ospital dahil sa dagsa ng mga pasyente.

Aniya, kung lalala ang sintomas ng mga pasyenteng nasa quarantine facilities ay agad makipag-ugnayan ang mga CSR sa pinakamalapit na pagamutang tumatanggap ng COVID infected at bibigyan ito ng prayoridad na pagtugon lalo’t may doctor nang nakatalaga rito.
Ayon pa kay Bishop David sa ganitong paraan ay matulungan din ang mga ospital na hindi mapuno.

May kabuuang 30 ang bilang ng mga CSR na nakapagtapos ng training habang nakiisa na rin ang mga naunang volunteers sa community based drug rehabilitation na KAAGAPAY kung saan katuwang ng diyosesis ang lokal na pamahalaan.

“May bagong set ng volunteers, will also undergoing a training and among them ang KAAGAPAY, yung na-iput-up namin na community based program; may existing na synergy between the church and the local government unit,” dagda ng obispo.

Tiniyak din ni Bishop David na pangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mga volunteers na hindi malantad sa panganib ng COVID-19.

“Hindi naman natin i-endager ang buhay ng volunteers that is why nag-invest kami sa online like sa hardware, software at sa internet connectivity kasi ito lang talaga ang epektibong pamamaraan na ma-monitor sila [COVID patients] closely na hindi ini-endanger ang buhay ng ating mga volunteers,” giit pa ng opisyal ng CBCP.

Binigyang diin pa ng obispo na mahalagang matutukan ang mental health ng mamamayan lalo na ang mga nahawaan ng virus upang mabawasan ang pangamba, lumbay at maging ang labis na pag-iisip.

Ito rin ay bahagi ng tugon ng simbahan sa panawagan ng pamahalaan na tumulong sa pagtugon sa tumataas na kaso ng depresyon sa bansa nang magsimulang magpatupad ng community quarantine nitong Marso.

Leave a Reply