Cultural

Men of Light ng Radio Veritas, ginawaran ng parangal ng CMMA

Paiigtingin pa ng Men of Light ang kanilang gawain sa pagbabahagi ng mabuting balita ng Panginoon gamit ang makabagong uri ng media sa kasalukuyan.

Ayon kay Reverend Father Deogracias Galang, sisikapin ng grupo na makatulong na mapaigting ang katesismo tungkol sa pananampalatayang katoliko lalo’t nalalapit na ang pagdiriwang ng ika – 500 anibersaryo ng kristiyanismo sa 2021.

“We foresee Men of Light playing an important role in this wonderful celebration,” pahayag ni Fr. Galang sa Radio Veritas.

Tinatalakay sa nasabing programa ang mga ebanghelyo tuwing linggo upang mabigyan ng pagninilay at kapupulutan ng aral ng mga tagasubaybay hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibayong dagat.

Sa ginanap na ika – 41 Catholic Mass Media Awards ginawaran ng Saint John Paul II Special CMMA Award Ang Men Of Light dahil sa natatanging ambag nito sa pagpapalago ng pananampalataya at turo ng simbahan.

Nagpasalamat si Fr. Galang sa pamunuan ng CMMA sa parangal na ibinigay na magsisilbing inspirasyon para mas pag-ibayuhin pa ang 16 na taong programa upang higit pang maabot ang mananampalatayang katoliko.

Sa salaysay ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, ang main anchor ng Men Of Light, nagsimula ang programa sa Archdiocese ng San Fernando Pampanga sa pangunguna ng Archdiocesan Media-Apostolate Unlimited Incoporated (AMANU).

Pagsasalarawan ni Bishop David, informal at conversational mode ang ginagamit ng Men of Light sa mga talakayan upang higit na maunawaan ng manonood at tagapakinig ang bawat ibinabahaging impormasyon. Naging mentor ng AMANU sa pag-produce ng Men of Light ang namayapang batikang direktor sa pelikula at telebisyon na si Marilou – Diaz Abaya na naging direktor ng programa nang halos sampung taon bago pumanaw.

Ang Men of Light ay kasalukuyang napapanood sa CLTV 36, ang regional free channel ng Pampanga at maging sa mga social media sites tulad ng Facebook, Instagram, at Youtube habang napakikinggan din ito sa Radyo Maria at sa kapanalig na himpilan Radio Veritas 846 tuwing linggo alas kuwatro y media hanggang alas singko ng umaga.