CulturalLatest News

Mass for Justice and Peace, isasagawa sa SONA ng Pangulong Duterte

July 20, 2020, 2:46PM

I-aalay ng Archdiocese of Manila ang lahat ng mga gaganaping banal na misa sa ika-27 ng Hulyo para sa kapayapaan at katarungan sa bansa.

Ito ang inihayag ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa tinukoy na ambag ng Simbahan para sa ika-5 State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon sa Obispo, ang pananalangin o ang espiritwal na aspekto ang pinakamahalagang maibabahagi ng Simbahan para sa kapakanan ng buong bansa kaya’t ilalaan ng mga Simbahan sa buong arkidiyosesis ang lahat ng misa sa pananalangin para sa pananaig ng kapayapaan at katarungan sa bayan.

“Kami po sa Simbahan ay mag-aambag sa araw ng SONA. Ang aming maibibigay at ang pag-ambag ay ang aming panalangin, mahalaga din ang espiritwal na component ng ating bansa. Kaya dito po sa Archdiocese of Manila lahat ng mga misa sa araw na ito sa umaga, sa tanghali, sa hapon, iyan po ay misa upang ipagdasal ang bayan.”pahayag ni Bishop Pabillo.

Inaanyayahan rin ni Bishop Pabillo ang bawat mananampalataya sa gagawing PANALANGIN NG SAMBAYANAN PARA SA KATARUNGAN AT KAPAYAPAAN – SONA HOLY MASS sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o mas kilala bilang Manila Cathedral ganap na alas-dose kinse ng tanghali sa mismong araw ng SONA.

Ipinaliwanag ng Obispo na bagamat nakalaan para sa bayan ang lahat ng mga misa sa buong arkidiyosesis ay mahalaga rin ang sama-samang pananalangin na maaring makibahagi sa pamamagitan ng online mass.

“Pero magkaroon po tayo ng sama-samang pagdadasal kung pwede kayo ng alas-dose kinse ng tanghali sa July 27, yan po ang misa ay gaganapin sa Manila Cathedral na doon sama-sama tayong magdasal, mas maganda not only during the day but at the same time we pray together for the sake of the country and reflect about the state of the country asking the wisdom coming from the Lord Jesus.” Paanyaya ni Bishop.

Kasunod ng Banal na Misa ay magkakaroon rin ng Inter-confessional Ecumenical Inter-religious Prayer kung saan inanyayahan ang iba’t ibang denominasyon upang mag-alay rin ng panalangin para sa pangkabuuan kapakanan at kalagayan ng bayan.

Nakatakda ang ika-5 State of the Nation Address ni Pangulong Duterte sa ika-27 ng Hulyo.