Cultural

Marahas na pagpatay sa bansa, ikinalulungkot ng Obispo

Mahalaga ang pagtitipon para sa pagtatanggol ng buhay ng tao.

Ito ang binigyang diin ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy kaugnay sa pagsagawa ng March for Life ng Diyosesis noong ika – 23 ng Marso sa pangunguna ng Knights of Columbus.

Ayon sa Obispo, marapat maunawaan ng mamamayan ang pagpapahalaga sa buhay ng tao at paggalang sa karapatan ng bawat isa.

Bunsod nito, hinikayat ng Obispo ang lahat ng mamamayan na makiisa sa mga pagtitipong naglalayong ipagtanggol ang buhay.

“I enjoined them to actively support this walk for life kay [dahil] importante ito especially this time na ang human life is under threat in many ways,” pahayag ni Bishop Uy sa panayam ng Radio Veritas.

Ikinalungkot naman ng Obispo ang mga paglapastangan sa buhay ng tao sa iba’t ibang pamamaraan tulad ng mga pagpaslang na kaniyang inihalintulad sa pagpatay ng mga hayop.

Giit ni Bishop Uy na ang sama-samang paglalakad ng mananampalataya taun-taon ay isang paalala na dapat pangalagaan ang buhay ng taoat na ipinagkaloob ng Panginoon sa tao.

“They reminded this every year, people will come out and walk for life molakaw ta [maglakad tayo] to remind each other na human life really is sacred and of special dignity because we are created in God’s image and likeness,” ani ni Bishop Uy.

Kabilang sa mga banta sa buhay ng tao sa kasalukuyan ang kahirapan, kagutuman, karahasan, digmaan at maging ang nagaganap na extra judicial killings sa pamayanan.

Magugunitang kaisa ang Simbahan sa humihiling ng katarungan sa mga napaslang na biktima ng karumal-dumal na krimen tulad ng panggagahasa, panghoholdap, digmaan at mga taong napaslang bunsod ng giyera kontra droga na umabot na sa higit 20, 000.

Ang March for Life ng diyosesis ay nagsimula sa Cogon Shrine kung saan ala 1:30 ng hapon nagbahagi ng pagninilay tungkol sa pagpapahalaga ng buhay si prolife advocate Dr. Rene Bullecer, ang Director for Human Life International, Philippines at si Fr. Jovanni Cortes, ang Diocesan Youth.Director.

Sinundan naman ito ng Banal na Misa sa pangunguna ni Bishop Uy kasama ang ilang kaparian ng diyosesis kung saan ipinaliwanag ng Obispo ang mga katuruan ng Simbahan tungkol sa dignidad at karapatan ng buhay ng mamamayan bilang mga anak ng Diyos.

Sinundan ito ng sama-samang paglalakad mula Cogon Shrine patungong Saint Joseph Cathedral sa Tagbilaran City.

Noong ika – 16 ng Pebrero isinagawa ng Archdiocese of Manila ang Walk for Life sa Quezon City Memorial Circle na dinaluhan ng higit 8, 000 indibidwal mula sa iba’t ibang mga organisasyon sa mga kalapit na diyosesis sa pangunguna ng Sangguniang Layko ng Pilipinas.

Hinimok naman ni Bishop Uy ang mga magulang na turuan ang mga bata tungkol sa kahalgahan ng buhay ng tao sa mga tahanan upang lumaki itong sapat ang kaalaman sa dignidad at karapatan ng buhay ng bawat indibidwal habang ang mga guro naman ang magturo sa mga paaralan.