CulturalLatest News

Manila at anim pa ‘sede vacante’: Cardinal Tagle, nagtungo na sa Roma

Kasabay ng pag-alis ni Cardinal Luis Antonio Tagle patungong Roma, anim na ang sede vacante sa Pilipinas kabilang ang Arkidiyosesis ng Maynila.

Patuloy pa ring inaantabayanan ng mga Filipino ang anunsyo ng Vatican sa paghirang ng bagong arsobispo ng Maynila na mangangasiwa sa halos apat na milyong Katoliko.

Hiling ni Cardinal Tagle sa mamamayan ang taos pusong pananalangin sa gabay ng Espiritu Santo habang hinihintay ang pagtatalaga ng bagong pinuno ng arkidiyosesis.

“Let us pray for docility to the Holy Spirit as we continue our life as an Archdiocese and await the next Archbishop,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Tagle.

Matatandaang ika-8 ng Disyembre ng italaga ng Kanyang Kabanalan Francisco si Cardinal Tagle bilang pinuno ng Congregation for the Evagelization of Peoples, ang isa sa matataas ng tanggapan sa Vatican.

Tiniyak ng Cardinal na laging nasa puso nito ang mga Filipino at kabilang sa kanyang mga panalangin habang hiling sa mamamayan patuloy ipagdasal ang mas malawak na bagong misyon sa Simbahang Katolika.

“I will always treasure my time with you; you can count on my prayers and please pray for me and my mission as well,” saad ng Cardinal.

Bukod sa bagong posisyon si Cardinal tagle rin ang kasalukuyang pangulo ng Caritas Internationalis at Catholic Biblical Foundation.

Ang 62 taong gulang na si Cardinal Tagle ay tubong Cavite at nagsilbi rin bilang obispo ng Imus bago naitalagang arsobispo ng Maynila sa loob ng 9 na taon.

Bukod sa Arkidiyosesis ng Maynila, wala pa ring itinalagang obispo ang Santo Papa sa Alaminos; Jolo, Sulu; San Jose Mindoro, Taytay Palawan at ang Nunciature.

Ang Archdiocese of Manila ay may higit sa tatlong milyong populasyon ng mga Katoliko na binubuo ng 86 na parokya na pinangangasiwaan ng higit sa 500 mga pari.