Mga Kapanalig, sasalubungin ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (o PhilHealth) ang bagong taon nang may mas malaking kontribusyong kailangang bayaran.
Alinsunod daw ito sa Republic Act No. 11223 o ang Universal Health Care Law na nagmamandato ng pagtataas ng tinatawag na premium rate batay sa kinikita ng mga miyembro ng PhilHealth. Sa 2021, ang kontribusyon sa PhilHealth ay dapat katumbas ng tatlong porsyento ng ating kinikita o sinasahod sa isang buwan. Kung ang isang miyembro ay kumikita ng sampung libong piso pababa, ang premium na kanyang babayaran bawat buwan ay ₱350. Kung nasa pagitan ito ng ₱10,000 at ₱69,999, pinakamataas na ang monthly premium na ₱2,449. Nasa ₱2,450 kada buwan naman ang premium ng mga PhilHealth members na ang basic salary sa isang buwan ay mahigit ₱70,000.
Kinikilala naman daw ng PhilHealth na maraming kasapi nito ang naapektuhan ng pandemya at maaaring nawalan ng trabaho o hanapbuhay. Ngunit kailangan daw nilang sundin ang batas na layong alalayan ang 110 milyong Pilipino sa kanilang pagkakasakit o pagkakaospital. Kailangan daw dagdagan ang kontribusyon ng mga kasapi upang magkaroon ang PhilHealth ng sapat na pondo lalo pa’t halos maubos ito dahil sa pandemya.
Maraming kasapi ng PhilHealth ang umalma sa anunsyong nito, lalo pa’t hindi pa rin natutuldukan ang kontrobersya ng pagnanakaw umano ng ilang opisyal ng ahensya. Kung inyong matatandaan, may mga whistleblowers ang nagsabing aabot sa 15 bilyong piso ang ibinulsa ng mga tiwaling tauhan ng PhilHealth at mga kasabwat nilang clinics, ngunit hanggang ngayon, wala pa ring naparurusahan at napananagot. Ipinagmamalaki ni Pangulong Duterte na marami na siyang sinibak sa puwesto at mayroon pang nasa listahan ng mga paalisin, ngunit patuloy pa ring hinahanap ang bilyon-bilyong pisong iniambag ng mga kasapi ng PhilHealth at nawala sa katiwalian. Biro ng mga netizens tungkol sa pagtataas ng monthly premium contribution sa PhilHealth, mag-aambagan na naman ang mga miyembro para sa pondong ibubulsa ng mga kurakot.
Sa taas ng gastusin sa pagpapaospital, ang kasabihang “health is wealth” ay para bang naging “health is for the wealthy.” Dahil hindi naman lahat ng gastusin sa ospital ay sagot ng PhilHealth, may mga kababayan pa rin tayong nakaasa sa mga pribadong health insurance na malaking gastusin din. Ngayong hindi pa rin epektibong nakokontrol ng pamahalaan ang pagkalat ng COVID-19, talaga namang napakahirap magkasakit. Mahal pa rin ang pagpapagawa ng swab test at mas lalong magastos ang pananatili sa ospital. Kaya naman, marami sa ating mga kababayang may sakit ang tinitiis na lamang ang kanilang karamdaman, hindi na lang nagpapatingin sa doktor, at hindi na lang umiinom ng gamot. May ilang namamatay dahil hindi nadala sa ospital o dahil wala namang pambayad sa pagpapagamot.
Maganda ang layunin ng Universal Health Care Law dahil pagagaanin nito ang bigat ng pagpapaospital ng mga kababayan nating mahirap. Ngunit mahirap ding tanggaping ang pondong iniaambag ng mga kasapi ng PhilHealth ay hindi napupunta sa mga dapat na makinabang dito. Ito ang ikinakasama ng loob ng marami sa balitang pagtataas ng monthly premium ng ahensya.
Minsan nang sinabi ni Pope Francis na binubura ng katiwalian ang tiwala ng publiko at ang integridad ng mga institusyon sa ating lipinan. Sinisira nito ang ating dignidad at binabasag ang lahat ng mabubuti at magagandang adhikain. Kabalintunaang ang ahensyang katulad ng PhilHealth na dapat nagtitiyak sa kalusugan ng mamamayan ay nababalot ng katiwaliang inihalintulad ni Pope Francis sa kanser.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Mga Kawikaan 29:2: “Kapag matuwid ang namamahala, bayan ay nagsasaya, ngunit tumatangis ang bayan kung ang pinuno ay masama.” Malinaw na hindi tayo nagsasaya sa nagpapatuloy na katiwalian sa pamahalaan.
- Mga Hamon sa Online Workers ng Bansa - Thursday, January 21, 2021 9:54 am
- Simbahang kabahagi ang lahat - Wednesday, January 20, 2021 10:11 am
- Ano pamantayan ng isang lider - Tuesday, January 19, 2021 10:08 am
- Para saan ang Cha-Cha? - Monday, January 18, 2021 10:32 am
- Kumakalat na Kahirapan - Saturday, January 16, 2021 10:09 am
- Proteksyon ng mga Kabataan - Friday, January 15, 2021 10:06 am
- Maging Mapili - Thursday, January 14, 2021 10:33 am
- Tamang proseso sa pagkamit ng ligtas na bakuna para sa lahat - Wednesday, January 13, 2021 10:13 am
- Katarungan para sa katutubong Tumandok - Tuesday, January 12, 2021 9:57 am
- Hustisyang batay sa ebidensya - Monday, January 11, 2021 10:42 am