Tinututulan ng labor groups at transport groups ang mandatory vaccination na ipapatupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga onsite workers na magsisimula sa December 01 2021.

Naninindigan ang Associated Labor Unions – Trade Union Congress of the Philippines at National Federation of Labor Unions – Kilusang Mayo Uno na hindi makatarungan at pagpapahirap lamang sa mga manggagawa ang polisiya ng pamahalaan.

Tinawag din ng grupo na anti-workers ang “no vaccine, no pay scheme” ng DOLE at IATF.

“Yaan po ay hindi makatarungan na polisiya dahil may mga manggagawa na hindi nababakunahan dahil wala pa silang access sa napakadaming bakuna na sinasabi ng gobyerno.Ikalawa, mahirap kumuha ng slots sa mga local government units na mano-mano at manual ang rollout ng vaccination”.pahayag ni ni ALU-TUCP spokersperson Allan Tanjusay sa Radio Veritas.

Itinuturing naman ng NAFLU-KMU ang panuntunan na ang mga manggagawang hindi pa nakakapag-pabakuna ay sasagutin ang bayad sa RT-PCR o swab test kada ikalawang-linggo upang matiyak na ligtas sa COVID 19.

“Ang IATF Reso 148-B ay dadagdag sa gastusin ng mga manggagawa kung di pa sila bakunado. Bakit ang parusa ay doon sa mga manggagawang hirap na hirap pero patuloy na nag-aambag sa ekonomiya ngayong pandemya?,” pahayag ng NAFLU-KMU.

Tutol din si Federation of Jeepney Operators and Drivers Association Of the Philippines President Ricardo Rebaño na sasagutin ng mga manggagawa at mga drivers ang bayad sa swab test.

“Napakabigat po niyan sa hanay ng transport sector, unang-una nag-deklara po ang ating pamahalaan na hindi naman po talaga voluntarily iyang vaccination.”dismayadong pahayag ni Rebaño sa Radio Veritas.

Umaapela din ang pangulo ng FEJODAP sa pamahalaan na unawain ang kalagayan ng mga manggagawang kabilang sa transport sector na matagal nang hindi nakapamasada.

Unang hinimok ng Kaniyang Kabanalang Francisco ang bawat isa na isang moral na obligasyon ang magpabakuna laban sa COVID-19 para sa kaligtasan ng kapwa.