212 total views
Sang-ayon ang isang Obispo sa panukalang Mandatory Drug Testing para sa mga mag-aaral simula ikaapat na baitang o 10- taong gulang pataas na mga bata.
Ayon kay San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education, ang panukala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay mahalaga upang mapigilan ang mga kabataan na masangkot sa ipinagbabawal na gamot.
“Sa akin walang problema yan kasi nga nakikita natin yan kung gaano kalawak yung problema ng drugs kung paanong talagang inaabot nila lahat pati ang mga bata yung sinasabi nilang may mga candies pa na hinahaluan ng drugs. I think mahalaga ito para ma-prevent natin yung mga bata mismo ay maapektuhan nitong problemang ito ng drugs.” pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Naniniwala ang Obispo na may posibilidad na sa edad na 10-taong gulang ay nasasangkot na sa ipinagbabawal na gamot dahil sa ganitong edad nagsisimula ang pagka-mausisa ng bata.
Unang iniulat ni PDEA Director General Aaron Aquino ang pagkahuli sa sampung taong gulang na bata na pinaghihinalaang gumagamit ng illegal na droga dahilan upang imungkahi ng Opisyal sa Dangerous Drugs Board na magpalabas ng kautusan para sa Mandatory Drug Testing sa mga mag-aaral sa Bansa simula sa ikaapat na baitang o Grade 4.
Kaugnay dito, nanawagan si Bishop Mallari sa mga Magulang at mga Guro na makipagtulungan sa mga Programang ipatutupad ng Pamahalaan lalo na kung ito ay para sa kabutihan ng mga kabataan.
“Para po sa mga magulang at mga teachers natin, I think mahalaga na we try to as much as possible we cooperate to the government kasi I suppose gusto din nila yung ikabubuti ng mga anak natin.” dagdag ng Obispo.
Batid din ng Obispo na mahalagang mapigilan sa lalong madaling panahon ang mga kabataan sa pagkakasangkot sa anumang iligal na gawain tulad ng droga upang makaiwas sa masamang epekto na maidudulot sa pagkatao at sa Lipunan.
Samantala, layunin ng PDEA sa panukalang Mandatory Drug Testing ang mapigilan ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot sa mahigit apatnapung libong Paaralan sa Bansa.
Nasasaad naman sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, saklaw lamang ng random drug testing ang mga mag-aaral sa Sekondarya at Kolehiyo ngunit sa panukalang isinusulong ng PDEA gagawin na ito sa lahat ng mga mag-aaral, guro at iba pang kawani ng paaralan.
Una nang nagpahayag ng pakikiisa ang Simbahang Katolika sa bansa sa kampanya ng Pamahalaan Laban sa iligal na droga ngunit dapat itong gawin ng naaayon sa batas at hindi nalalabag ang karapatan ng bawat taong sangkot sa iligal na gawain.