Cultural

Mananampalataya, hinimok na gawing sagrado ang mga sementeryo

Pinaalalahanan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang publiko na bigyang paggalang ang puntod ng mga yumao sa pagdiriwang ng ‘All Saints at All Souls day’.

Ayon kay Bishop David sa panayam sa programang Pastoral Visit sa Radio Veritas, kalapastanganan sa mga namayapa ang pagkakalat sa mga Sementeryo.

“Pakiusap po, huwag nating lapastanganin ang mga puntod ng ating yumao sa mga basurang dadalhin natin sa mga sementeryo. Please environmental disaster ‘yan. At iyan ay kalapastangangan please let us be more mindful of the Holiness the Sacredness ng ating mga Sementeryo. Kaya po ang tawag dyan ay Kampo Santo, Sacred Ground,” ayon kay Bishop David.

Ayon sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) higit sa 1,000 tonelada ng basura ang nakolekta mula sa iba’t ibang sementeryo sa Metro Manila matapos ang All Saints at All Souls day.

Hinikayat ni Bishop David ang mga mananampalataya na gawing banal ang mga sementeryo.

“Magdasal naman tayo, gawin nating banal ang pagdalaw natin. Naniniwala tayo sa ‘Communion of Saints’ ang pagkakaugnay ng lahat ng mga banal si Kristo ang nag-uugnay sa atin sa isa’t isa kaya itutok natin ang pagdiriwang nito,” ayon kay Bishop David.

Si Bishop David ang bise-presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).

Ipinaliwanag din ni Bishop David na hindi kailanman hinangad ng Panginoon na mayroong nilalang na mapunta sa impiyerno.

Sa halip, sinabi ng Obispo na bawat isa ay binigyang pagkakataon na makasama ang Diyos at ng mga banal sa kaluwalhatian.

“Ang mga nabuhay kay Kristo ay laging may pag-asa ng muling pagkabuhay kung sila ay nakaugnay kay Kristo,” paliwanag ni Bishop David.

Ipinaalala ni Bishop David na tayo ang karaniwanang nagtatapon sa ating sarili palayo sa Diyos, subalit si Kristo rin ang nagbukas ng pag-asa para sa mga nagkakasala.

“It’s like Christ had an experienced of hell by suffering and dying. Pero ito ay binata n’ya dahil ibig nyang hanguin tayo sa pagkakawalay sa kanya. Siya ang tulay natin,” ayon kay Bishop David.