Hindi dapat ipagsawalang bahala ng mga mananampalataya ang biyayang hatid ng pananalangin at pagbisita sa mga itinalagang “pilgrim churches” sa iba’t ibang diyosesis ngayong ginugunita ang Taon ni San Jose at ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas.

Ito ang paanyaya ni Diocese of Iba Bishop Bartolome Santos sa mga mananampalataya sa pambihirang biyaya na hatid ng mga nasabing Simbahan kung saan ang Apostolic Penitentiary ay nagkaloob ng indulhensya plenarya sa bibisita sa mga Pilgrim Chruches sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa.

Ayon sa Obispo, bagamat hindi madali na tupdin ang mga kondisyong nakapaloob sa paggagawad ng indulhensiya laku na ang pangungumpisal ay mayroon kanya-kanyang paraan ang mga Simbahan na magawan ito ng paraan ng hindi naisasantabi ang kaligtasan ninuman.

lginiit ni Bishop Santos na mahalaga ang buong pusong pananalangin hindi lamang para sa sariling kahilingan o kapakanan kundi maging para sa pangkabuuang kabutihan ng buong Simbahang Katolika at ng intensyon ng Kanyang Kabanalan Francisco.

 

Slider

 

“We have to take the chances of going for pilgrimage in your own local dioceses and churches because syempre the privilege of the plenary indulgence sayang din naman diba, and although one condition is not so easy to fulfilled here confession but still; with the sincere heart and given the privileged din siguro of the absolution by the priests atleast diba alam natin ang bunga ng indulgence na ito kasi it’s also one way of us to remember the 500 years of Christianity and of course pray for the church, for the intention of the Pope and pray for the local churches.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam sa Radio Veritas.

Binigyang diin naman ng Obispo ang mahigpit na pagsunod sa mga ipinatutupad na pag-iingat sa banta ng COVID-19 virus sa pagbisita sa mga itinalagang “pilgrim churches” sa iba’t ibang diyosesis.

Sa kabuuan may mahigit sa 500 mga Simbahan sa buong bansa ang mga itinalagang “pilgrim churches” bilang paggunita ng Taon ni San Jose at ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas.

Sa Diocese of Iba, pitong pilgrim churches naman ang itinalaga na kinabibilangan ng St Michael the Archangel Parish sa Sta. Cruz, Zambales; San Andres Parish sa Masinloc, Zambales; St Augustine Cathedral Parish sa Iba, Zambales; Ina Poonbato Chapel sa Botolan, Zambales; St James Parish sa Subic, Zambales; St Joseph Parish sa Olongapo City; at San Roque Chapel sa Subic Bay, Olongapo City.