Maglulunsad ng webinar ang European Union (EU) Delegation to the Philippines sa usapin ng plastic waste pollution sa bansa.

Layunin nitong mas maunawaan ang kalagayan ng pangangasiwa sa mga basurang plastic at pagtugon sa mga hamon mula sa nakapipinsalang epekto ng plastic waste pollution.

“This webinar aims to generate a deeper understanding of the state of plastic waste management linked to the circular economy in the country, and the response to the challenges emanating from plastic waste pollution,” pahayag ng delegasyon.

Paksa ng webinar ang “Green Deal: Dealing with Plastic Waste Management for Better Circular Economy” na gaganapin sa Nobyembre 25, 2021 mula alas-2:30 ng hapon sa pamamagitan ng zoom at facebook live streaming.

Kabilang sa mga magbabahagi sa webinar sina EU Ambassador Luc Veron; Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Jonas Leones; EU Delegation Programme Manager Giovanni Serritella; at European Commission Directorate-General for the Environment Policy Officer Paulo da Silva Lemos.

Gayundin sina H&M Southeast Asia Sustainability Manager Marian Dang; United Nations Environment Programme National Goodwill Ambassador Antoinette Taus; at The Plastic Flamingo Chief Product Officer Anne-Sophie van der Spek.

Paliwanag ng EU na naaayon din ang webinar sa isa sa mga layunin ng EU Indo-Pacific Strategy na labanan at tugunan ang patuloy na pagkasira ng kalikasan.

“It is also in line with one of the goals of the EU Indo-Pacific Strategy to work with partners to fight, mitigate and adapt to climate change and to counter biodiversity loss, pollution and other forms of environmental degradation,” ayon sa EU.

Inaanyayahan din ng delegasyon ang bawat isa na tumulong sa pagpapalaganap ng kamalayan upang makamtan ng bansa ang circular economy na makakatulong din sa pangangalaga sa kalikasan.

Ang circular economy ay naglalayong bigyang-pansin at tugunan ang mga pandaigdigang hamon tulad ng climate change, pagkawala ng biodiversity, basura, at polusyon.

Nakasaad sa katuruang panlipunan ng simbahan na bagamat sang-ayon ang Simbahang Katolika sa pag-unlad ng ekonomiya, kinakailangang ito ay nakakamit nang hindi nagdudulot ng masamang epekto sa mamamayan maging sa kalikasan.