Hinimok ng Health Care Ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang bawat mamamayan na makiisa sa isasagawang National Vaccination Days upang mapigilan ang paglaganap ng COVID-19 sa bansa.

Ito ay ang Bayanihan Bakunahan program ng pamahalaan na isasagawa mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1, 2021.

Sa inilabas na pahayag ni CBCP-ECHC Chairman at Naval Bishop Rex Ramirez, binigyang-diin nito ang mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco na hinihikayat ang bawat isa na magpabakuna laban sa COVID-19, sapagkat ito ang magbibigay ng pag-asa upang malunasan ang pandemya at bilang pagpapakita ng pagmamahal sa kapwa.

“Indeed, the Holy Father himself has affirmed that receiving a COVID-19 vaccine that is ‘authorized by the respective authorities’ is an ‘act of love’,” pahayag ni Bishop Ramirez.

Sinabi ng obispo na maaaring makatulong ang bawat isa upang maging matagumpay ang pambansang araw ng pagbabakuna sa pamamagitan ng pagsusulong at paghikayat sa mga komunidad na magpabakuna laban sa virus.

Gayundin ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan sa pagpapagamit ng mga pasilidad ng simbahan para maging vaccination area, at ang paghimok sa mga church workers na mag-volunteer sa mga gawaing may kaugnayan sa pagbabakuna.

Samantala, iginiit din sa pahayag na patuloy namang kikilalanin at igagalang ng simbahan ang malayang pagpili ng sinuman sa pagnanais nitong magpabakuna o hindi batay sa kanyang konsensya.
Ngunit, kung pinili ng isang indibidwal na hindi magpabakuna, tungkulin naman nitong patuloy na pangalagaan ang sarili, maging ang kapwa upang maiwasan ang hawaan ng virus.

“This is everyone’s moral responsibility,” ayon sa pahayag.

Layunin ng Bayanihan Bakunahan na mabakunahan ang nasa 15-milyong Filipino mula sa iba’t ibang rehiyon sa buong bansa.

Sa kasalukuyan, aabot na sa halos 34 na milyong Filipino ang kumpleto na sa bakuna laban sa nakakahawa at nakamamatay na COVID-19.