Cultural

Mamamayan, hinimok na ipagdasal ang mga pinuno ng bansa.

Hinimok ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang publiko na patuloy ipanalangin ang mga namumuno sa bayan at sa Simbahan.

Sa pagninilay ng Obispo sa sulat ni San Pablo kay Timoteo sinabi nitong ipagdasal ang mga mga hari at namumuno upang mamuhay ang bawat mamamayan sa matiwasay at mapayapang pamayanan.

Inihayag ni Bishop Uy na mahalagang ipanalangin ang bawat namumuno para sa ikatatagumpay ng kanilang mabuting adhikain sa lipunan.

“Mga igsoon kinahanglan nga mag-ampo gyud kita sa atong mga leaders kay dili baya gyud sayon [Mga kapatid kailangan nating ipagdasal ang ating mga leaders sapagkat hindi madali ang mamuno.]” pagninilay ni Bishop Uy.

Iginiit ni Bishop Uy na ang pagiging pinuno ay isang bokasyon na maging mabuting katiwala ng Panginoon sa kanyang kawan.

Kaya’t hamon nito sa bawat pinuno ng bayan at ng Simbahan na isapuso at isaisip ang papel na gagampanan bilang tagapamuno sapagkat ito’y inaasahan ng Diyos na maging katuwang sa pagpapastol ng sangkatauhan.

Ibinahagi rin ng Obispo na bilang mga tagasunod ay karapatan din ang punahin ang mga pinuno kung gumagawa ito ng lihis at walang dulot na kabutihan sa mamamayan.

“Mohatag ta’g mga constructive critism, maghatag pod tag suggestions; pero kinahanglan ato kanang ipadayag sa maayong panahon, lugar ug sa maayong pamaagi [Magpahayag tayo ng constructive critism, magbibigay ng suggestions pero kailangan itong ipahayag sa wastong panahon, lugar at pamamaraan.]” ani ng Obispo.

Binigyang diin ni Bishop Uy na hindi madaling trabaho at malaking responsibilidad ang pagiging pinuno sapagkat kailangan nitong pakikitunguhan ang iba’t ibang uri ng tao sa komunidad na iba-iba ang mga pangangailangan.

Umaasa si Bishop Uy na bilang mga anak ng Diyos ay magkaisa sa pagdadasal sa mga pinuno na maging mabuting pastol at ehemplo ng sambayanan.