Nagpaabot ng panalangin ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa mga lubos na naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Maring.

Idinadalangin ni Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona na patuloy na patnubayan at bigyan ng lakas ng loob ng panginoon ang mga naapektuhang pamilya at residente.

Hiniling din ng Obispo sa panginoon na bigyan ng pag-asa para mabilis na makabangon ang naapektuhan ng bagyong Maring.

“Panginoon naming Diyos, Ikaw ang lumikha ng langit at lupa, patawarin Mo po kami sa aming pagkakasala. Nitong panahon ng matinding ulan at baha, hinihiling po namin ang Iyong patnubay at gabay. Nawa’y maka ahon kami sa sakunang ito,” panalangin ni Bishop Mesiona mula sa panayam ng Radio Veritas.

Hinihiling din ni Bishop Mesiona, na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Mission na nawa’y hipuin din ng Panginoon ang puso ng bawat isa na maging handa upang lubos na magampanan ang misyong magmalasakit para sa mga higit na nangangailangan ng tulong at kalinga.

“Hipuin mo po ang mga puso ng bawat isa sa amin upang handa kaming kumilos upang magtutulungan,” dagdag ng Obispo.

Samantala, ayon sa Obispo ligtas naman ang kanilang kalagayan sa Vicario Apostoliko, bagamat ilang bayan sa Palawan ang nakaranas ng mga pagbaha partikular na sa Puerto Princesa City, Espaniola, Brooke’s Point, Narra, at Quezon.