Binigyang diin ni Radio Veritas President Rev. Fr Anton CT Pascual – Executive Secretary ng Caritas Manila ang kahalagahan ng pamilya bilang ugat ng mabuting paglaki ng isang tao.

Sa Veritas Truth Survey press conference na inilunsad ng Radyo Veritas, inihayag ni Fr. Pascual na sa pamilya nakasalalay ang maayos na paghubog sa pagkatao ng isang indibidwal.

Iginiit ng pari na dito magmumula ang uri ng kanyang paniniwala, moralidad, at kung paano nito igalang ang buhay ng bawat nilalang.

“Let us go back to the basic institution, family… Kaya kung gusto nating i-curb o tapusin, tuldukan ang krimen, let us go back to the basic values, our family values, and absolute respect for every human being starts inside the family.” Pahayag ni Fr. Pascual

Sinabi rin ni Father Pascual, na dito unang nararanasan ng isang indibidwal ang kahalagahan ng buhay, pag-ibig at pagmamalasakit.

Dahil dito, hinimok ng pari ang bawat isa na pagnilayan at balikan ang sariling pamilyang pinagmulan na siyang ugat ng buong pagkatao ng isang indibidwal.

“Walang taong hindi nanggaling sa pamilya, kaya balikan natin ang ating pamilya, maganda siguro, sa servant qualities na ito nakita natin yung kahalagahan ng pakikinig, empathy, yung growth as a person, na talagang family values talaga yan.” Dagdag pa ni Fr. Pascual

Sa tala ng Office of the Solicitor General umaabot sa 22 ang nagsasampa ng kasong annulment sa Pilipinas kada araw, dahilan upang tumaas ito ng 40 porsyento simula taong 2000 hanggang 2010.

Ito naman ang itinuturong pangunahing dahilan ng pagkakawatak-watak ng mga pamilya.

Una nang inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco sa bago nitong Encyclical na Amoris Laetitia, ang kasagraduhan ng bawat pamilya na dapat proteksyunan hindi lamang ng simbahan kundi lalo’t higit ng pamahalaan dahil ito ang pangunahing pangkat na bumubuo sa lipunan.