386 total views
Nababahala ang Catholic Bishops Conference Episcopal Commission on Health Care sa mabilis na pagtaas ng bilang ng mga kumpirmadong kaso ng Human Immunodeficiency Virus at Acquired Immuno Deficiency Syndrome (HIV/AIDS) sa Pilipinas.
Ayon kay Fr. Dan Cancino, Executive Secretary ng komisyon, dahil sa mabilis na pagdami ng kaso ng HIV/AIDS, halos dumoble na agad ang bilang ng mga nagkakaroon nito sa isang araw.
Mas ikinababahala pa ni Fr. Cancino, na ang 50% ng mga may karamdaman ay mula sa edad 25 hanggang 34 habang ang 30% naman ay mula sa edad 15 hanggang 24.
“Makikita natin, kung ito yung tumataas na cases natin, at ito’y nangyayari sa mga kabataan, paano na an gating kinabukasan at paano na ang kinabukasan din ng ating mga kabataan?” Pahayag ni Fr. Cancino.
Dahil dito, ayon sa pari paiigtingin pa ng CBCP Episcopal Commission on Health Care ang pangangaral lalo’t higit sa mga kabataan.
Ayon kay Fr. Cancino, hindi sapat na malaman ng mga kabataan kung ano ang HIV at AIDS at kung paano ito nakukuha subalit mas dapat aniyang bigyang diin ang pagtuturo sa mga kabataan ng moral at malinis na pamumuhay na nakabatay sa Family values at Gospel values.
“Ang pinaka effective na vaccine parin dito ay yung pagpapalawig ng tamang edukasyon na nakabatay sa values. Hindi sapat na malaman kung ano ang HIV/AIDS, hindi sapat na malaman kung ano ang mga likido na nagtatransmit ng HIV, o yung mga paraan, technicalities, kundi yung kamalayan, kaalaman, na nakabatay sa proper values, Family values, Gospel Values.” Pahayag ni Fr. Cancino.
Aminado si Fr. Cancino na bagamat may mga hakbang na isinasagawa ang simbahan upang maiwasan ang pagdami ng kaso ng HIV/AIDS at matulungan ang mga pasyenteng mayroon nang karamdaman, ay kulang ang kapasidad ng simbahan para palawigin pa ang programa nito.
Dahil dito, humingi ng tulong ang pari sa mga stakeholders at sa pamahalaan na tumulong sa pagsugpo ng lumalaganap na HIV/AIDS sa Pilipinas.
“Para masugpo natin itong HIV/AIDS sa bansa, hindi pwedeng tayo ay magkawatak-watak. Unang-una let’s involve as many stakeholders as we can, then going to different sectors like yung youth, not only dun sa key affected populations, pati yung youth sa simbahan, eskwelahan. Palawigin yung education in all angles.” Pahayag ni Fr. Cancino.
Sa huli, nanawagan ang pari sa gobyerno, na tumulong upang maalis ang stigma discrimination o pang-aalipusta sa mga taong may HIV/AIDS.
“Ang panawagan natin sa ating gobyerno ay maslalong i-involve ang maraming tao, because ang pinaka problema dito ay yung stigma discrimination. Marami paring tao ang hindi nakakaintindi, yung mga iba pinandidirihan nila ang mga pasyente, ayaw pagusapan ang HIV, pero it’s now time, together with different sectors gathered to really treasure life, and to treasure the quality of life, let’s come together, by reuniting together, to really have this zero discrimination, zero stigma, achieve zero AIDS related death and zero new infection.” Dagdag ni Fr. Cancino.
Sa ulat ng Department of Health tumaas ng 39 na porsyento ang naitalang bilang ng kumpirmadong may HIV AIDS sa bansa simula buwan ng Enero hanggang Marso 2016.
Dahil dito sa kasalukuyan, mayroon nang 31,911 kaso ng HIV AIDS sa Pilipinas simula noong 1984. (Villajos)