Uncategorized

Maayos at disenteng workplace, sentro ng Trade Union Regional forum

Mahalagang papel ang ginagampanan ng mga trade unions sa sektor ng paggawa sa pagsusulong ng mga karapatan ng bawat manggagawa.

Ito ang mensahe ni Department of Labor and Employment Undersecretary Joel Maglunsod sa pagbubukas ng 3 araw na Trade Union Regional Forum na ginanap sa Crowne Plaza Manila kahapon.

Ayon kay Maglunsod, katuwang din ito sa pagprotekta sa mga manggagawa mula sa pananamantala ng ilang kumpanya at mga mamumuhunan.

Tatalakayin sa pagtitipon ang mga hakbang upang mapanatili ang kaayusan, kapayapaan at pagiging matatag ng bawat manggagawa sa kabila ng mga epekto ng karahasan at kalamidad.

Ayon sa International Labor Standard’s Bureau for Workers’ Activities (ACTRAV) magdudulot ng pagtaas ng kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay at balisang lipunan kung hindi matutugunan ang suliranin sa sektor ng paggawa.

Ibabahagi rin dito ang ILO Recommendation No. 205 kung saan binibigyang diin ang kahalagahan ng paglikha ng maayos at disenteng trabaho sa mga manggagawa upang mapigilan, makabangon, mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa trabaho, negosyo at kabuhayan.

Pagbabahagi ni Senior Economist at Regional Desk Officer ng ILO Geneva na si Mohammed Mwamadzingo tinatayang 1.5 bilyong katao ang naninirahan sa mga lugar na umiiral ang karahasan at kadalasang biktima ng iba’t ibang uri ng kalamidad.

Mahigit sa 33 milyon naman ang internally displaced habang umabot sa 1.3 trilyong dolyar ang economic loss sa pagitan ng 2005 at 2014 dulot ng karahasan at kalamidad.

Mahigit sa 20 ang dumalo sa pagtitipon na nagmula sa 14 na mga bansa sa Asya at kasapi ng iba’t ibang grupo ng manggagawa sa kani-kanilang mga bansa kabilang na ang Pilipinas.

Sa ensiklikal ni St. John Paul II na Laborem Excercens, ipinapanawagan dito na panatilihin ang dignidad at paggalang sa karapatan ng bawat manggagawa kaakibat ng pagsulong ng mamamayan at ng lipunan.