Veritas Editorial

Lokal na pamahalaang naglilingkod sa tao

Mga Kapanalig, opisyal na nagsimula noong Biyernes ang campaign period para sa mga nais tumakbo sa iba’t ibang posisyon sa lokal na pamahalaan—mula sa munisipyo o lungsod, distrito, at probinsya. Ayon sa COMELEC, pagkatapos ng halalan sa Mayo, aabot sa halos 18,000 ang uupong bagong kongresista, gobernador at bise gobernador, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, mga mayors, vice mayors, at konsehal.

Bakit mahalagang pumili tayo ng mga karapat-dapat na lider ng ating lungsod, munisipyo, at probinsya?

Sa Catholic social teaching, may tinatawag tayong prinsipyo ng subsidiarity. Tumutukoy ito sa pagkilala sa kakayanan nating mga mamamayang pamahalaan ang ating sarili nang hindi pinanghihimasukan ng nasa pinakamataas na antas ng pamahalaan. Ibig sabihin, hindi lamang tayo umaasa sa sasabihin ng mga pinakamatataas na lider ng pamahalaan (gaya ng presidente ng bansa) o sa ibababang programa ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan. Ang ating mga lider sa probinsya at bayan—kasama ang mga nasa barangay—ang pinakamalapit dapat sa mga tao. Sa abot ng kanilang makakaya, kailangan nilang tiyaking matutugunan nila ang mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan. Papasok lamang ang pambansang pamahalaan kung kulang ang kapasidad ng lokal na pamahalaang tugunan ang mga kagyat na pangangailangan ng mga tao, gaya halimbawa sa panahon ng kalamidad.

Ang nakalulungkot lamang, laganap rin sa lokal na pamahalaan ang pulitikal na kultura kung saan namamayani ang tinatawag nating “padrino system”—ang mga kakampi ng mga nakaupo sa puwesto at mga may utang na loob sa kanila ay nabibigyan ng pabor. At ang mga mahihirap ang unang biktima ng ganitong sistema. Dahil walang kakayanan sa buhay, napipilitan silang lumapit kay mayor o sa opisina ng kung sinumang opisyal ng munisipyo upang may maipampaospital o kaya naman ay upang mabigyan sila ng pansamantalang trabaho. At dahil kailangan ng mga pulitiko ang boto nila at ng mga kakilala nila, sasamantalahin ng mga pulitiko ang kahirapan ng mga tao at aabutan sila ng “tulong.” Kawanggawa naman ang tingin ng mga tao sa mga binibigay sa kanila sa halip na mga serbisyo at programang dapat lamang nilang mapakinabangan, ibinoto man nila o hindi si gob o si mayor. Dahil nga rito, nagkakaroon ng utang na loob ang mga mahihirap sa mga pulitiko, at iboboto nila sila kahit pa kilala silang tiwali, umaabuso sa kapangyarihan, at pumapabor sa mga patakarang lumalabag sa buhay at karapatang pantao.

Hindi rin pinalalampas ng mga political dynasties ang lokal na pamahalaan. Wala yatang lungsod, munisipyo, o probinsya sa Pilipinas ang walang mga pinunong magkakamag-anak: gobernador si lolo, mayor si anak, konsehal si apo. At muli, mga mahihirap ang talo sa lokal na pamahalaang kontrolado ng mga political dynasties, dahil sa halip na unahin ang kapakanan ng mga mamamayan, lalo na ng mga dukha, uunahin nila ang interes ng kanilang pamilya. Halimbawa, kung may malaking negosyo ang isang political dynasty sa isang bayan, mabilis pa sa alas kuwatrong mabibigyan ito ng permiso kahit pa nakapipinsala ito sa kalikasan o inaagawan nito ng lupa ang mga walang disenteng tirahan.

Muli, mga Kapanalig, gaya ng binibigyang-diin sa Catholic social teaching hinggil sa prinsipyo ng subsidiarity, karapatan ng mga taong pamahalaan ang kanilang mga sarili, at isang mahalagang larangan upang makamit ito ay ang lokal na pamahalaan. Kaya’t mahalagang ang iboboto natin ay ang mga taong tunay na maglilingkod sa lahat nang walang kapalit o kundisyon. Mahalagang ang pipiliin natin ay ang mga tunay na magsusulong ang kapakanan ng lahat, hindi upang magpakitang gilas lamang kundi upang tulungan ang mga taong makamit ang nararapat sa kanila bilang mga mamamayan. Tunay na paglilingkod sa tao ang pangunahing tungkulin ng mga nasa lokal na pamahalaan.

Sumainyo ang katotohanan.