Sang-ayon ang eksperto sa pagbubukas ng simbahang katolika sa mga parokya at institusyon ng simbahan bilang vaccination sites laban sa novel coronavirus na ilulunsad ng mga lokal na pamahalaan.

Ayon kay Dominican priest Fr. Nicanor Austriaco, O.P., na isa ring medical expert at associate professor of biology sa Estados Unidos, naniniwala ang mga Filipino na ang mga simbahan ay maituturing bilang ligtas na lugar laban sa banta ng Covid-19.

“A church for Filipinos is a safe place. And so, hopefully, there will be parishes with large parking lots or large halls that are ventilated well that will be able to be converted into a vaccination center,” bahagi ng pahayag ni Fr. Austriaco sa isinagawang pagpupulong ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.

Pinaalalahanan naman ni Fr. Austriaco, ang publiko kaugnay sa maaaring maging ibang epekto ng COVID-19 vaccine sa katawan ng tao.

Ayon sa pari, oras na mabakunahan, maaaring maramdaman sa loob ng 24 hanggang 48 oras ang pagkakaroon ng lagnat, tila pagod at mabigat na pakiramdam at ang pananakit ng braso.



Binigyang-diin ng pari na 48-oras makalipas na magpabakuna ay mawawala na rin ang mga side effects.

“There will be side effects. So, we know of those side effects for a 24 to 48-hour period, you might have fever, you might have exhaustion, you will stay in bed. Your arm will probably be painful but it will last only [for] 24-48-hours. And the reason is because after 48-hours the vaccine has actually been removed from your body,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Austriaco.

Batay naman sa tala, mayroong 20 indibidwal sa loob ng 4 na milyong nabakunahan ng ‘Moderna vaccine’ ang nakaranas ng allergic reaction.

Paliwanag ng pari na ito’y nangyari sa mga taong nakaranas na ng malalang allegies dahil sa ibang dahilan bago pa man mabakunahan ng COVID vaccine.

Pinapayuhan naman ni Fr. Austriaco na kung makaranas ng side effects ay mas makabubuting magpasuri muna sa doktor upang maiwasan ang iba pang epekto na maidudulot ng bakuna sa katawan ng tao.

Sa kabila naman ng pagkakaroon ng mga side effects, ayon sa pari ay ligtas pa rin na magpabakuna laban sa virus.

Una nang nagpalabas ng panuntunan ang Vatican hinggil sa pagpapabakuna laban sa virus kaugnay sa usapin ng moralidad kasunod ng pagbakuna sa Kanyang Kabanalan Francisco at Pope Emeritus Benedict XVI.

Sa pinakahuling pag-aaral na isinagawa ng Veritas Truth Survey, 67 porsiyento sa 1,200 respondent ang nais na matiyak na ligtas ang bakuna bago magpaturok ng gamot laban sa COVID-19.

Suportado naman ng CBCP ang pagsisikap ng pamahalaan upang makakuha ng COVID-19 vaccine at gawing priority ang mga pamilya mula sa mahihirap na komunidad.