Hindi kumbinsido ang dating opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na gastusin ang pangunahing dahilan ng pagbaba ng bilang ng mga nagpapakasal sa bansa.

Ito ayon kay Fr. Melvin Castro, spiritual director ng ProLife Philippines at dating executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Family and Life.

Sinabi ni Fr. Castro na maraming mga parokya ang nagbibigay ng libreng kasal at mga mass weddings.

“To be very honest matagal na ito na ang ‘trajectory’ ay pababa. So ang nakikita ko, ang personal analysis ko dyan hindi iyong expenses dahil napapansin ko kahit nagpapakasal sa huwes yung iba naka-traje de boda na simple at may handaan pa rin. So hindi ko makuha na excuse na mahal sa simbahan dahil ang dami kong alam na parokya ginagawa ang yearly o annual yung libreng kasal,” ayon kay Fr. Castro.

Iginiit ng pari na may mga nagpapakasal sa huwes ay may magarbong handaan.

Sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Administration (PSA) naitala noong 2019 ang 431-libo ang nagpapakasal na mas mababa kumpara sa nakalipas na taon na umaabot sa 449-libo.

Ayon pa sa ulat, 36-porsiyento lamang sa kabuuang bilang ang nagpapakasal sa simbahan.

“Ang nakikita ko ay mas nakakatakot na reyalidad yung ayaw nilang mag-commit, yung lifetime commitment dahil takot sila na pumasok sa isang relasyon na talagang… yung binabanggit sa wedding vows na ‘in sickness and in health in poverty and richess, until death do us part,’ ayon kay Fr. Castro sa panayam ng Radio Veritas.

Naniniwala ang pari na hindi gastusin kundi ang takot sa responsibilidad at pangakong habambuhay na pagsasama ang posibleng dahilan ng mababang bilang ng nagpapakasal.

Ayon pa kay Fr. Castro, “Takot na magbigay ng lifelong commitment.”