Pinuri ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang inisyatibo ng Caritas Manila na pagbuo ng kooperatiba para sa mga jeepney driver.
Ayon kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, acting president ng CBCP, mahalagang pagtuunan ng pansin ang pagkakaroon ng kabuhayan ng mamamayan lalu na ang mga sektor na lubos na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
“Itong pangkabuhayan dapat iprioritize talaga natin; ang ganda ng kanyang panukalang kooperatiba para sa mga jeepney drivers palagay ko malayong malayo ang mararating nun,” pahayag ni Bishop David sa Radio Veritas.
Nitong ika – 11 ng Setyembre muling namahagi ng tulong ang Caritas Manila sa pakikipagtulungan ng Caritas Caloocan sa mahigit 300 jeepney drivers sa Caloocan, Navotas at Malabon bilang pagpapatuloy sa paglingap sa mga nasa sektor ng transportasyon na nawalan ng pagkakitaan.
Ikinatuwa rin ni Bishop David ang binabalak ng Caritas Manila na tulungan ang mga anak ng jeepney drivers na makapag-aral sa pamamagitan ng Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP dahil malaking tulong ito sa pamilya ng mga tsuper.
Inihayag ng Obispo na higit na mahalaga na bukod sa pansamantalang ayuda ng pagkain ay matutulungan din ng simbahan ang kabuhayan at maging ang edukasyon ng kabataan.
Sa panayam naman ng Radio Veritas kay Caloocan Second District Representative Edgar Erice, ibinahagi rin nitong isa ito sa mga lumalaban sa mababang kapulungan upang mapayagang makapagbiyahe ang mga traditional jeepney at magkaroon ng hanapbuhay ang mga tsuper.
Iginiit ng mambabatas na hindi napapanahon na ipatupad ang jeepney modernization program lalo’t nakararanas ng matinding hirap ang mga Filipino dulot ng krisis pangkalusugan.
“We are all helping them [jeepney drivers]. Pinaglaban namin, kaya mahigit isanlibong traditional jeepney [PUJ] na yung pinayagan ng pamahalaan na makabiyahe dahil dati zero talaga; gusto nila isabay yung jeepney modernization dito sa pandemic hindi kami pumayag kasi hindi ito ang tamang panahon,” saad ni Erice sa panayam ng Radio Veritas.
Tiniyak naman ng mambabatas ang patuloy na pag-aabot ng ayuda para sa mga jeepney drivers.
Sa huli ay pinaalalahanan ni Bishop David ang mga benepisyaryong tsuper na huwag mag-atubiling lumapit sa Simbahan at hinikayat na paigtingin ang pananalangin na matapos na ang pandemya upang manumbalik na sa normal ang pamayanan.
“Huwag kayong mag atubili na lumapit sa Simbahan, nandito kami para sa inyo. Magdasal tayo na itong krisis na ito ay matapos na. Gusto kong maramdaman ninyo [jeepney drivers] na hindi kayo nag iisa, kasama ninyo ang Simbahan, kasama ninyo ang Panginoon at kasama natin ang isa’t isa,” dagdag pa ni Bishop David.
Target naman ng Caritas Manila na abutin ang sampung libong jeepney drivers sa kalakhang Maynila upang lingapin at mabigyan ng paunang tulong na mga pagkain.
- Empower women-Obispo - Monday, March 1, 2021 12:21 pm
- Mensahe ng opisyal ng Vatican sa ika-14 na World Rare Disease day - Monday, March 1, 2021 10:57 am
- Simbahan, nanawagan sa taumbayan na suportahan ang Alay Kapwa program - Saturday, February 27, 2021 10:46 am
- Pamunuan ng Quiapo church, binati ng opisyal ng Vatican - Friday, February 26, 2021 8:49 am
- Isakatuparan ang diwa ng pagkakaisa ng EDSA - Thursday, February 25, 2021 2:05 pm
- Quiapo church media, kabilang sa top influencer media channel - Wednesday, February 24, 2021 12:17 pm
- Cardinal Tagle, itinalagang administrator of the Patrimony of the Apostolic See ni Pope Francis - Tuesday, February 23, 2021 11:19 am
- Papal Nuncio, pinangunahan ang pagtatalaga ng simbahan kay St.John Paul II sa Bataan - Monday, February 22, 2021 12:09 pm
- Paglapastangan sa imahe ng mga banal sa Prelatura ng Isabela de Basilan, kinundena ng Claretian Missionaries - Monday, February 22, 2021 8:51 am
- Archdiocese of Cebu, humiling ng panalangin sa agarang paggaling ni Archbishop Palma sa COVID-19 - Friday, February 19, 2021 11:52 am