Cultural

Kawalang pakialam sa kamalian, nagpapalala sa kasamaan

Nagpahayag ng pasasalamat si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa pagdalo at pakikibahagi ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia sa paghahanda para sa Kapistahan ni San Roque na patron ng diyosesis.

Ayon sa Obispo, kasalukuyang Vice-president ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), hamon para sa mananamapalataya ang tinukoy ni Archbishop Caccia na mahalagang salik sa kawalan ng katarungan at kaayusan sa lipunan ang pagsasawalang bahala ng mamamayan na makibahagi sa mga usaping panlipunan.

Pagbabahagi ni Bishop David, nakabibigla ang pagbibigay diin ng Archbishop Caccia sa malaking epekto sa lipunan ng pagsasawalang bahala ng bawat isa sa mga nagaganap sa lipunan na dahilan para lumala ang sitwasyon at pangkabuuang kalagayan ng bayan.

“I was really surprised when you mentioned that the more important plague that is afflicting society is the plague of indifference. That was really a very important challenge that you posed to all of us,” ang bahagi ng pahayag ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.

Ipinaabot rin ng Obispo kay Archbishop Caccia ang pasasalamat sa Kanyang Kabanalan Francisco sa pagsisilbing inspirasyon sa diyosesis upang ipamalas maging sa labas ng mga Simbahan ang pag-ibig, awa at habag ng Panginoon sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga mission stations upang maipadama lalu na sa mga mahihirap na komunidad sa Caloocan, Malabon at Navotas na nasasakupan ng diyosesis ang presensya ng Panginoon.

Katuwang ang mga religious partners ng diyosesis ng Kalookan ay una ng naibahagi ni Bishop David ang planong makapagpatayo ng 25 mission stations sa buong diyosesis.

“Because you represent the Holy Father Pope Francis, please tell him that he has given us so much inspiration here in the Diocese of Kalookan because his challenge to go out to the peripheries of society has been the main thrust of our Pastoral priorities in the Diocese. It is for that reason that we have been opening mission centers headed by different religious partners who are willing to live with the poorest of the poor in the slum communities of Caloocan, Malabon and Navotas and they are also here this evening with us,” dagdag pa ni Bishop David.

Pinangunahan ni Archbishop Caccia ang Misa para ika-4 na araw ng Novena para sa Kapistahan ni San Roque na patron ng Diyosesis ng Kalookan sa San Roque Cathedral katuwang ang mga pari ng diyosesis sa pangunguna ni Bishop David at Diocese of Kalookan Vicar General Fr. Jerome Cruz.

Bago ang pagdiriwang ng Misa ay nagkaroon rin ng pagkakataon sina Archbishop Caccia at Bishop David na makapag-usap ng pribado.

Si Bishop David ang isa sa apat na Obispo na kabilang sa 36 na mga personalidad na sinampahan ng kasong sedisyon ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group kaugnay sa planong destabilisasyon laban sa pamahalaan.

Nakatakda namang magsagawa ng Solidary Mass ang diyosesis sa ika-15 ng Agosto para sa mga Obispo at Paring kabilang sa mga pinararatangan ng pakikipagsabwatan sa oposisyon laban sa kasalukuyang administrasyon kung saan inaanyayahan ang mga mananampalataya na makibahagi sa pagtitipon.

Isasagawa ang Solidarity Mass sa San Roque Catheral ganap na alas-9 ng umaga kasabay ng Feast of the Assumption na bisperas ng Kapistahan ni San Roque na patron ng diyosesis.