CulturalhealthLatest News

Katarungan sa pagkasawi ng apat na sundalo sa Jolo, ipinagdarasal ng Obispo

July 24, 2020, 12:37PM

Tiniyak ng Apostolic Vicariate of Jolo ang pananalangin para sa pagkamit ng katarungan at katotohanan sa pagkasawi ng apat na sundalo na napatay ng siyam na pulis sa Jolo, Sulu noong ika-29 ng Hunyo 2020.

Ayon kay Jolo Bishop Charlie Inzon, OMI nakalulungkot ang nangyari sa pagitan ng hukbo ng pamahalaan na kapwa mayroong mandato na tiyakin ang kaligtasan at kapayapaan sa bansa.

Inaasahan ng Obispo na lumabas at maihayag ang katotohanan sa naganap na insidente upang mabigyan ng katarungan ang pagkasawi ng mga sundalo.

“Nakakalungkot talaga yun kasi syempre dalawang sangay ng nagbibigay ng security at peace sa ating bansa, sila yung enforcers of peace and order. Ipinagdadasal natin na makamit yung hustisya, kung anuman talaga yun (nangyari) pinapaubaya din natin sa kanila yung pagpapalabas ng katotohanan kung ano talaga ang nangyari.”pahayag ni Bishop Inzon sa panayam sa Radio Veritas.

Bukod sa paglabas ng katototohan, ipinapalangin ng Apostolic Vicariate of Jolo ang tuluyang pagkamit ng kapayapaan sa lugar at malayo sa kapahamakan ang mga tagapagpatupad ng batas.

Kaugnay nito, halos isang buwan kasunod ng insidente ay sinampahan na ng kasong kriminal ng National Bureau of Investigation (NBI) ang siyam na pulis na nasangkot sa pagkamatay ng apat na sundalo sa Jolo, Sulu.

Naka-restricted detention na rin sa Camp Crame ang siyam na pulis.