Malaki ang problema ng bayan kaugnay usapin ng katotohanan.

Ito ang ibinahagi ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines kaugnay sa paggunita ng Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari at Panginoon ng Katotohanan sa gitna ng panahon ng halalan sa bansa.

Ayon kay Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity, maraming mamamayan ang madaling malinlang ng maling impormasyon at kasinungalingan dahil sa kawalan ng pagsusuri.

“Malaking issue sa atin ngayon ang katotohanan. Maraming mga tao ang hindi naghahanap ng katotohanan. They do not seek, so they do not find. Hindi sila nag-iimbistiga at hindi nga nag-aanalisa,” pagninilay ni Bishop Pabillo sa Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari.

Ipinaliwanag ng Obispo na hindi lahat ng makikita, mababasa at mapapanuod sa iba’t ibang social media platforms ay tama at totoo.

Iginiit ni Bishop Pabillo na mahalaga ang katotohanan bilang pangunahing batayan sa paggawa ng desisyon lalo na sa nakatakdang halalan sa bansa.

Iminungkahi ng Obispo na makatutulong din ang pakikipagtalakayan upang sama-samang mapalawak ang pag-unawa ng bawat isa sa mga nangyayari sa lipunan at sa mga kandidatong naghahangad na maluklok sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.

Inihayag ng Obispo na pantay-pantay at iisa lamang ang boto ng bawat mamamayan tuwing halalan na nararapat pahalagahan.

Naunang nanawagan si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa mga botante na magkaroon ng circles of discernment para sa 2022 polls.