531 total views
Nagpahayag ng suporta ang iba’t-ibang social action center ng Simbahang Katolika sa Pilipinas sa naging desisyon ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez na kanselahin ang operasyon at Mineral Production Sharing Agreement (MPSAs) ng iba’t-ibang minahan sa Pilipinas.
Ayon kay Diocese of Bacolod Social Action Center director Father Ernie Larida, pabor siya sa ginawang desisyon ni Lopez dahil tunay na nakakasira ng kalikasan ang pagmimina.
Tiniyak ng pari na maging ang mga susunod na henerasyon ay makikinabang dito bagamat ilang mga manggagawa ang maaapektuhan na maari naman mapagkalooban ng ibang mapagkakakitaan.
“We need to protect our remaining environment and ecosystem for our good and the good of the next generations. I pity that a good number of people will become jobless but the government promised to help them find a job through tourism and the same time protecting our environment.”pahayag ni Larida sa Radio Veritas.
Ganito rin ang pahayag ni Father Guillermo Alorro, Social Action Director ng Diocese of Calbayog, Samar.
Kinumpirma ni Father Alorro na malaki ang epekto ng pagmimina sa kanilang lugar lalo na’t madalas silang makaranas ng mga kalamidad.
“Malaki talaga ang epekto nito sa sa lugar namin dito sa Samar at sa buong Pilipinas, kasi tayo ang importer ng malalakas na bagyo and our people are still vulnerable when it comes to preventing disasters.”mensahe ng Pari sa Radio Veritas.
Inihayag naman ni Father Edgar Fabic ng Calapan Oriental Mindoro na magsasagawa sila ng pasasalamat sa hakbang ng DENR ngayong ika-27 ng Pebrero, 2017.
Umaasa ang Pari na pormal nang maideklara na watershed area ang isang mining site sa nasabing lalawigan.
“Big thanks to DENR nabawasan ibang effort para sa anti-mining advocacies, may grupo dito na mag-conduct ng gratitude this Feb.27. Sana nga ma-declare na itong mining site dito na watershed officially.”pahayag ni Father Fabic.
Nauna rito, ikinagalak din ng iba’t-ibang environmental groups ang kanselasyon ng MPAs at mining permits ng mga minahan.
Read: http://www.veritas846.ph/cancellation-ng-75-mining-contracts-ipinagbunyi/
Magugunitang 72 MPAs at 23 mining permits ang kinansela ni Secretary Lopez bilang bahagi ng patuloy nitong pagtatanggol sa karapatan ng kalikasan.