Isa sa mga mahahalagang bagay na naisasantabi dahil sa mabilis na urbanisasyon ng maraming mga lugar sa ating bansa ay ang kalikasan. Ang mga syudad sa atin ay kadalasan nagiging kongkreto – mga lugar kung saan halos wala ng puno at halaman, mainit, madumi, at masikip. Ang urbanisasyon ay karaniwang simbolo ng kaunlaran, pero bakit tila mas mahirap ang itsura ng maraming lungsod sa atin kahit na laganap na ang urbanisasyon sa mga lugar na ito?

Ayon sa opisyal na datos, ang Pilipinas ay mayroong tatlumput-tatlong highly urbanized cities (HUCs). Labing-anim dito ay nasa National Capital Region (NCR), habang labing-pito naman ang nasa labas ng NCR.

Ang mga syudad na ito, kapanalig, ay kumpulan ng mga tao. Ang lebel ng urbanisasyon natin base sa datos noong 2015 ay ay nasa 51.2 percent na. Ibig sabihin nito, kapanalig, mahigit pa sa kalahati ng ating populasyon ay nakatira na sa mga urban areas. Sa dami natin, kapanalig, hindi ba’t nakakalungkot na marami sa ating nakatira sa mga lungsod ay halos nakakulong sa concrete jungle, kung kailan minsan, nakakasulasok na ang hangin, sobra na ang pagbabaha kapag tag-ulan, at sobra naman ang init kapag tag-araw.

Nawala na ang mga luntiang espasyo sa ating paligid. Nabawasan na rin ang diversity ng ating kalikasan. Pati mga sakahan, bawas na rin. Tama ba ang direksyon ng urbanisasyon sa ating bayan?

Kapanalig, mas lalawig pa ang urbanisasyon sa bansa, kaya tama lang na ating pagnilayan ang direksyong tinatahak nito sa ating bansa. Itong mga nakalipas na dekada, mabilis ang pag-unlad ng mga syudad sa bansa, pero, ang maayos na pagpaplano at paglalatag ng mga kalunsuran, nawaglit natin gawin. Naging driver o tagapaktulak man ng kaunlaran ang mga syudad, maari naman itong mabalagtigdad sa kalauan dahil kapag hindi natin naiplano ang sustainability ng mga syudad, maaring magdulot pa ito ng kahirapan hindi lamang sa mga urban areas, kundi sa buong bansa.

Kaya’t napaka-halaga na ating pagtuunan ng pansin ang maayos, inklusibo, at sustainable na urbanisasyon sa bansa. Kapag nagawa natin ito, hindi lamang luntiang espasyo ang ating maibibigay sa mga mamamayan, kundi mas maatas na kalidad ng buhay. Kapag nagawa natin ito, ang pagiging inklusibo ng ating mga syudad ay hindi lamang ukol sa tao at sa kahirapan nito, kundi pati ang kalikasan at ang ugnayan nito sa kalidad ng buhay ng mga tao.

Kapanalig, ang maayos na urbanisasyon ay bahagi ng ating tungkulin bilang Katolikong Kristyano. Ayon sa Catholic Social Teachings, sa Caritas In Veritate, “The environment is God’s gift to everyone, and in our use of it we have a responsibility towards the poor, towards future generations and towards humanity as a whole.” Kapanalig, ituring natin na tunay na regalo, na tunay na biyaya ang kalikasan sa ating bayan sa pamamagitan ng pagpa-prayoridad ng kapakanan ng kalikasan sa ating pagsulong ng urbanisasyon sa bayan.

Sumainyo ang Katotohanan.