CulturalLatest News

Kaligtasan mula sa COVID-19 pandemic, hilingin sa Holy Spirit

June 1, 2020, 12:21PM

Hinimok ng Sanggunitang Laiko ng Pilipinas ang bawat mananampalataya na sama-samang manalangin at hilingin ang paggabay ng Espiritu Santo mula sa banta na dulot ng pandemic na Coronavirus Disease 2019.

Ayon kay Sangguniang Laiko ng Pilipinas President Rouquel Ponte, ang paggunita ng Dakilang Kapistahan ng Pentekostes o pagbaba ng Espiritu Santo ay hudyat rin ng pagsilang ng Simbahan na katuparan ng pangako ng Panginoon sa sangkatauhan.

Sinabi ni Ponte na sa gitna ng kinahaharap ng daigdig mula sa banta ng COVID-19 ay mahalagang patuloy na manalig ang bawat isa sa kaloob at biyayang hatid ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

“Ang Pentecost Sunday ay ang birthday ng ating Simbahan kaya ang atin pong panalangin na pinangakong Espiritu Santo ng Panginoon Diyos ay igawad niya sa Simbahan at sa ating lahat. Magdasal at sama-samang hilingin na itong pinagdadaanan natin ngayon sa transition time na ito from the pandemic towards the new reality that we will face will really be guided and blessed by the power of the Holy Spirit…”pahayag ni Ponte sa panayam sa Radyo Veritas.

Matatandaang nauna ng ibinahagi ni Diocese of Imus Bishop Reynaldo Evangelista – Chairman, CBCP Permanent Committee on Public Affairs na ang Espiritu Santo ay paalala na laging may maasahang tulong at lakas ang bawat isa mula sa Panginoon lalo na sa gitna ng mga pangamba at takot na nararanasan.

Ang Dakilang Kapistahan ng Pentekostes na pagdiriwang sa pagbaba ng Espiritu Santo sa mga Apostoles ay ginugunita limampung araw o ikapitong Linggo makaraan ang muling pagkabuhay ni Hesuskristo na siya ring hudyat ng pagtatapos ng Easter Season o Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay at pagsilang ng Simbahan.