Cultural

Kahinahunan, kapayapaan sa puso at katatagan ng kalooban

Ito ang panawagan ni Bishop Sofronio Bancud ng Diocese ng Cabanatuan sa lahat ng mananampalataya hinggil sa pag-iral ng iba’t-ibang uri ng karahasan sa lipunan.

Ayon sa Obispo, nawa magsilbing instrumento ang bawat isa sa pagpapalaganap ng kapayapaan at pagkakaisa sa lipunan na siyang kalugod-lugod sa Panginoon.

“Panatilihin natin ang kahinahunan at lalong lalo na ang kapayapaan sa ating puso at harapin natin ng may katatagan ng kalooban ang ganitong uri ng karanasan na sana bawat isa sa atin ay manatiling instrumento ng Diyos sa pagpapalaganap ng kapayapaan at pagkakaisa,” pahayag ni Bishop Bancud sa Radio Veritas.

Kasunod ito sa pagkakapaslang kay Rev. Fr. Richmond Nilo, 40-taong gulang na binaril sa loob ng kapilya ng Barangay Mayamot, Zaragosa Nueva Ecija habang naghahanda sa pagidriwang ng Banal na Misa.

Ipinapanalangin din ng Obispo ang mga salarin at mga taong nagpapalaganap ng karahasan sa lipunan na mapagtanto ang kahirapang idinudulot ng karahasan sa sangkatauhan.

“Ang aking panawagan at panalangin para doon sa nagpapairal ng ganitong karahasan naway mamulat sa katotohanan na malaking kahirapan ang idinudulot nito sa sangkatauhan.” dagdag ng Obispo.

Si Fr. Nilo ang ikatlong paring biktima ng pamamaslang sa bansa mula noong Disyembre ng nakalipas na taon kung saan pinaslang si Rev. Fr. Marcelito Paez sa Jaen Nueva Ecija at si Rev. Fr. Mark Anthony Ventura naman noong ika – 29 ng Abril taong kasalukuyan sa Gattaran Cagayan.

Batay sa tala ng Pontifical Institute for Foreign Missions (PIME) mula administrasyong Marcos hanggang administrasyon ni dating pangulong Benigno Aquino III umabot sa 13 Pari ang biktima ng pamamaslang bukod pa dito ang kaso nina Fr. Marcelito Paez, Fr. Mark Anthony Ventura at Fr. Richmond Nilo habang nakaligtas naman sa tangkang pagpatay si Rev. Fr. Rey Urmeneta ng Diocese ng San Pablo na binaril noong ika – 6 ng Hunyo sa Calamba Laguna.

Umaasa ang Simbahang Katolika na mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng iba’t ibang uri karahasan sa lipunan kabilang na ang paring napaslang.