Ipinaalala ng arsobispo ng Maynila sa mananampalataya ang mahalagang tungkulin ng Mahal na Ina sa kaligtasan ng bawat isa.

Sa homiliya ng Kanyang Kabunyian Cardinal Jose Advincula sa Our Lady of Fatima Parish sa Mandaluyong City nitong October 13, binigyang diin nitong sa tulong ni Maria ay mas nailalapit ang tao sa Diyos.

“Tinutulungan tayo ni Maria na palalimin ang ating ugnayan kay Hesus,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.

Paalala ng Cardinal ang mensahe ng Mahal na Birhen sa huling aparisyon nito sa Fatima noong 1917 ang pananalangin, penitensya at kapayaan kung saan nanatiling napapanahon at dapat na isaalang-alang ng sangkatauhan.

Ayon sa arsobispo nanatiling hamon sa bawat isa ang pananalangin lalo na ng Santo Rosaryo para sa kapayapaan at paghilom ng buong daigdig na nahaharap sa iba’t ibang hamon sa kasalukuyang panahon tulad ng coronavirus pandemic.

Iginiit ni Cardinal Advincula na sa pamamagitan ng pananalangin ay mas lumalalim ang ugnayan sa Panginoon na kasama ng sangkatauhan sa paglalakbay sa mundo.

“Prayer is not just about asking God what we need; prayer is about deepening our relationship with God; and Mary asks us to pray always so that through prayer we may be closer to her son Jesus,” dagdag pa ng Cardinal.

Tinuran din ng Cardinal na matatamo ang kapayapaan ng daigdig kung pahalagahan ng tao ang buhay pananalangin at pagsasakripisyo sa kapwa tulad ng mga halimbawang ipinakita ni Hesus na tinanggap ang kamatayan sa katubusan ng sanlibutan.

Ang misa na pinangunahan ni Cardinal Advincula ay pagdiriwang sa kapistahan ng Mahal na Birhen ng Fatima sa ika – 104 na anibersaryo ng huling pagpapakita kay Lucia, Jacinto at Francisco sa Fatima Portugal.

Samantala, patuloy pa rin ang mga simbahan sa Pilipinas sa ‘healing rosary against COVID-19’ na pinasimulan ng Santo Papa Francisco noong 2020 sa intensyong matapos na ang pandemya na labis ang epekto sa sangkatauhan sa buong daigdig.