Cultural

Kagitingan ng mga Filipino, ipagbunyi sa selebrasyon ng Independence day

Umaasa ang isang pastol ng kawan ng Panginoon na higit na makamtan ng mga Filipino ang tunay na kalayaan.

Ito ang mensahe ni Cebu Archbishop Jose Palma sa darating na ika – 121 anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas sa ika – 12 ng Hunyo.

Ayon sa Arsobispo, nawa’y ipagdiwang ng Filipino ang tunay na kahulugan ng kalayaan ma ipinaglaban ng mga bayaning Filipino.

“Hangad ko po sa ating lahat na sa ating pagpapasalamat sa malaking biyaya ng independence sana po maalala natin na yung diwa ng tunay na kalayaan ay yung malaya tayo sa lahat ng mga bagay na nagdudulot ng tunay na pagkatao, ng tunay na kapayapaan, ng tunay na bagay na masasabi nating tayo ay tunay na malaya,” pahayag ni Archbishop Palma sa Radio Veritas.

Binigyang diin ng Arsobispo na nararapat gunitain sa Independence Day na ito ay bunga ng pagmamahal, pagmamalasakit at pagsasakripisyo ng mga Filipino para sa bayan na inaani ng kasalukuyang henerasyon.

Ika – 12 ng Hunyo 1898 nang ideklara ang Araw ng Kalayaan sa Pilipinas kasabay ng pagwagayway ng bandila sa Kawit Cavite sa pangunguna ni General Emilio Aguinaldo.

Pinangunahan naman ni Ambrosio Rianzares Bautista ang pagbasa sa “Act of the Declaration of Independence” na sinaksihan ng libu-libong mga Filipino.

Nilinaw ng Arsobispo ng Cebu na kung puno ng galit at kasamaan ang tao ay nagpapatunay na hindi nito nakamtam ang tunay na kalayaan ng sarili subalit inaalipin ng pagiging makasarili.

Umaasa si Archbishop Palma na matamo ng bawat mananampalataya ang tunay na kahulugan ng kalayaan na naayon sa kalooban ng Panginoon at magdudulot ng pagkakaisa sa pamayanan.

“Sana po ang diwa ng tunay na kalayaan ay ang kalayaan na kanya ng mga anak ng Diyos; malaya sa kasamaan, sa kamalian, sa katunggalian at kalayaan na nagbubunga ng pagmamahal at ng hangad na magdala ng kaayusan at kapayapaan sa lipunan,” dagdag pa ni Archbishop Palma.

Dahil dito kaisa ang buong Simbahang Katolika sa Pilipinas sa pagdiriwang sa Araw ng Kalayaan at patuloy na ipinapanalangin ang bawat mamamayan at mga namumuno sa bansa na basbasan ng Panginoon upang matamo ang tunay na diwa ng kalayaan at kapayapaan.