Nagpaabot ng mensahe si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo para sa pagdiriwang ng World Day of the Sick kasabay ng Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes sa Pebrero 11, 2021.
Ayon kay Bishop Pabillo, dapat na mas pahalagahan ngayon ang pangangalaga sa mga may karamdaman at ang pangagalaga sa sariling kalusugan.
Paliwanag ng Obispo na ngayong patuloy na nararanasan ng bansa maging ng buong mundo ang epekto ng pandemya, nakita at naunawaan ng bawat isa ang kahalagahan ng pag-iingat sa kalusugan.
Ilan sa mga paraang ginagawa ng mga tao upang makaiwas na mahawaan ng virus ay ang hindi pagpunta sa mga matataong lugar at ang pagkain ng mga masusustansiyang pagkain.
“Ngayon pong panahon ng pandemic, nakita po natin ang kahalagahan ng ating kalusugan. Kaya umiiwas po tayo at nagpapalusog tayo sa ating sarili,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Nakahanda naman ang simbahan na kalingain at tulungan ang mga nangangailangan lalo’t higit ang mga may karamdaman tulad ng ginawa ni Hesus sa mga maysakit noong unang panahon.
Ayon kay Bishop Pabillo, ginagawa ng simbahan ang sakramento ng pagpapahid ng langis sa mga maysakit, gayundin ang pagpapagaling sa kaluluwa na kaugnay ng katawan ng tao.
“May sakramento po tayo para sa mga may sakit, ang anointing of the sick. Mayroon din tayong sakramento ng pagpapagaling sa kaluluwa kasi alam po nating may kaugnayan ang karamdaman sa kaluluwa at karamdaman sa katawan,” ayon sa Obispo.
Dalangin naman ni Bishop Pabillo ang lubos na kagalingan ng mga maysakit at ang kaligtasan ng lahat laban sa banta ng virus.
Hinikayat din ng obispo, ang mga mananampalataya na manalangin sa Mahal na Birhen ng Lourdes upang makamtan ang tunay na kagalingan ng sanlibutan.
Sa mensahe ni Pope Francis, hinihimok nito ang pagbuo ng landas patungo sa kagalingan na nagmumula sa nagtitiwala at interpersonal na ugnayan sa pagitan ng mga may sakit at ng mga nangangalaga sa kanila.
Taong 1992 nang sinimulan ni Pope John Paul II ang paggunita sa World Day of the Sick bilang pagpapakita ng suporta at pag-aalay ng panalangin sa mga may karamdaman at sa masigasig nitong mga tagapag-alaga.