Veritas Editorial

Iwaksi ang diskriminasyong batay sa kasarian

Pagpupugay sa lahat ng mga Kapanalig nating babae ngayong National Women’s Month!

Ang pagtatalaga sa buwan ng Marso bilang buwan ng kababaihan at sa ika-8 ng Marso bilang National Women’s Day ay paraan ng pamahalaan upang hikayatin ang lahat na kilalanin ang mahalagang ambag ng mga babae sa ating lipunan at itaguyod ang kanilang mga karapatan. Gaya ng mensahe ng tema ng National Women’s Month na “We Make Change Work for Women”, mahalaga ang papel ng mga babae sa pag-unlad ng ating lipunan, kaya’t nararapat lamang na matamasa at mapakinabangan nila ang positibong pagbabagong ginawa nilang posible, sila man ay nasa kani-kanilang pamilya, trabaho, o pamayanan.

Ngunit mukhang malayo pa ang ating tatahakin hanggang sa marating natin ang isang lipunang hindi tinitingnan ang babae bilang mas mababa sa lalaki. Sa ngayon kasi, patuloy na nakararanas ng pang-aabuso at pagsasantabi ang mga babae, at matatagpuan ang karahasang ito sa mismong tahanan nila. Ayon sa National Demographic and Health Survey (o NDHS), isa sa bawat limang babaeng kasal o nakikipag-live in noong 2017 ay nakaranas ng emosyonal na pang-aabuso sa kanilang asawa o kinakasama. Labing-apat na porsyento naman ang sinaktan nang pisikal, habang 5% ang nakaranas ng sekswal na pang-aabuso gaya ng rape.

Sa report naman ng World Bank noong 2012, lumitaw na katumbas lamang ng 76% ng sinasahod ng lalaki ang sinasahod ng babae sa Pilipinas, kahit pa magkatulad ang kanilang trabaho o posisyon sa kanilang pinagtatrabahuhan. Ibig sabihin, kung piso ang naiuuwi ng lalaki, 76 sentimos lang ang naiuuwi ng babae. Ayon pa sa report, kadalasan din daw na nasa maliliit na kompanya, sa informal sector, at mga trabahong mababa ang pasahod ang mga Pilipina.
Sa larangan naman pulitika, bagamat may mga babae tayong lider, nakararami pa rin ang mga lalaking lider na kinabibilangan ng mga lantarang binabastos ang mga babae. Mismong ang pangulo ng ating bansa, walang preno sa pagbibitiw ng mga salita—biro man o totoo—na walang paggalang sa mga babae. Hindi lamang po kinukunsinte at hinihikayat ng ganitong mga pahayag ang pambabastos sa mga babae, ginagawa ng mga ito na “normal” at katanggap-tanggap ang hindi pagkakapantay-pantay ng mga lalaki at babae. Delikado po ito, mga Kapanalig.

Sa kabila ng mga puná tungkol sa umano’y pagkakahon nito sa mga lalaki at babae, ang Simbahan ay kasama natin sa pagsusulong ng dignidad at karapatan ng mga babae. Ito ay nagmumula sa prinsipyong ang bawat isa ay kinakailangang tingnan ang kanyang kapwa, babae man o lalaki, nang walang pagtatangi at parang isa pa niyang sarili o “another self”. Bilang mga likha ng Diyos, lahat tayo, anuman ang ating kasarian, ay may angking dignidad, at lahat din tayo, iniligtas ni Hesukristo sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus.

Kaya’t bilang mga Kristiyano, tungkulin nating labanan ang mga tinatawag na “sinful inequalities” at kasama rito ang mababang pagtingin sa mga babae na humahantong sa pang-aabuso sa kanila at hindi pagkilala sa kanilang mga karapatan at kontribusyon sa kaunlaran ng ating bayan. Kaakibat ng labang ito ang pagtiyak na tama ang kanilang sinasahod at nabibigyan silang lahat ng pagkakataong umunlad.

Sa huli, walang saysay ang mga patakaran at gawaing pinangungunahan ng pamahalaan upang isulong ang karapatan ng mga babae kung marami pa rin ang naniniwalang mas nakahihigit ang mga lalaki sa mga babae, kung marami ang hindi kayang makita ang kanilang sarili sa kanilang kapwang iba ang kasarian.
Sumainyo ang katotohanan.