Cultural

Ituloy ang spirit of EDSA

Ang mga alaala ay dapat na patuloy na magbigay alab sa paninindigan ng mamamayan sa kapayapaan, katarungan at demokrasya ng bayan.

Ito ang inihayag ni Rev. Fr. Benigno Beltran, SVD na isa sa mga ginawaran ng Spirit of EDSA & Good Citizenship Movement Award kasabay ng ika-33 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

“Dapat yung alaala magbibigay alab uli kasi hindi pa naman tapos yung pakikipaglaban sa kapayapaan, katarungan, kailangan ipagtanggol pa ang kalikasan dapat ituloy yung spirit of EDSA…” pahayag ni Fr. Beltran sa panayam sa Radyo Veritas.

Ipinaliwanag ng Pari na nananatili pa rin ang pagkakahati-hati ng lipunan kung saan iilang mayayaman at prominenteng pamilya pa rin ang naghaharing-uri at hindi pa rin ganap na natatamasa ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Nanindigan si Father Beltran na marapat maging buo ang paninindigan ng mamamayan sa pagsusulong ng kapayapaan, katarungan at demokrasya tulad ng diwa ng bloodless revolution.

“Ganun pa rin yung pagkahati-hati na ilang daang pamilya lang ang naghaharing-uri sa ating bansa ganun pa rin hindi na bago yan, tapos hindi pa rin tayo lubusang mapayapa at lalong sumama ang kalagayan ng ating kapaligiran na nanganganib ang buhay ng maraming tao, dapat doon ang spirit of EDSA…” Dagdag pa ni Fr.Beltran.

Ginawaran si Fr. Beltran ng EDSA People Power Commission ng Spirit of EDSA & Good Citizenship Movement Award noong ika-25 ng Pebrero dahil sa kanyang naging malaking ambag sa pagtataguyod ng kapakanan at pag-unlad ng buhay ng may 25,000 residente ng Smokey Mountain sa Tondo, Manila.

Ang naturang pagkilala ay iginawad bilang bahagi ng paggunita sa ika-33 anibersaryo ng EDSA People Revolution na mayroong temang EDSA 2019: Pagkakaisa Tungo sa Pambansang Kapayapaan.