Cultural

Ipagtanggol ang nag-iisang tahanan

Ito ang panawagan ng mga lider ng Simbahang Katolika sa pagdiriwang ng Season of Creation mula a-1 ng Setyembre hanggang ika-4 ng Oktubre 2019.

Inaanyayahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang sambayanang Filipino na makiisa at magsama-sama sa “Walk for Creation” sa ika-1 ng Setyembre dakong alas-kuwatro ng umaga sa Quezon Memorial Circle.

Hinimok ni Cardinal Tagle ang mga mamamayan na magsama-samang magpasalamat sa Diyos sa regalong kalikasan at santinakpan.

Nanawagan din ang Kardinal sa lahat na matutong dumamay at kumalinga sa kapwa.

“Mga minamahal na kapanalig, mga kapatid sa Panginoong Hesukristo, tayo po ay magdiriwang na ng Season of Creation mula September 1 hanggang October 4. Para po pasinayaan ito, tayo po ay magsama-sama sa Walk for Creation, ito po ay sa September 1st alas kuwatro ng umaga, atin pong salubungin ang bukang liwayway. Magtipon-tipon po tayo sa Quezon Memorial Circle, doon po tayo magsimulang magpasalamat sa Diyos sa regalo ng kalikasan at ng santinakpan, gayundin matuto tayo na dumamay at magkalinga sa ating kapwa tao.” panawagan ni Cardinal Tagle

Hinihikayat din ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, bise-Presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang sambayanang Filipino na makiisa at magmalasakit sa kalikasan.

Inihayag ni Bishop David na nag-iisa lang ang ating planeta kaya marapat na ipagtanggol at pagmalasakitan.

“Makiisa po tayo at magmalasakit, tandaan po ninyo, iisa lang ang ating daigdig wala pong reserbang planeta sa ibang lugar kaya ipagtanggol naman po natin ang ating iisang tahanan. Sabi nga po ni Pope Francis the Earth is our Common home kaya pagmalasakitan po natin”.panawagan ni Bishop David.