Huwag matakot na makinig, magsalita at magpakumbaba laban sa mga nang-uusig sa Kristiyanong pananampalataya.

Ito ang pagninilay ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, incoming vice-president ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa taunang paggunita sa Red Wednesday.

Ayon kay Bishop Vergara, batid pa rin magpahanggang ngayon ang pang-uusig laban sa mga kristiyano, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Ipinaliwanag ng obispo na kahit na hindi personal na nararanasan ang mga pang-uusig ay dapat pa ring lubos na iparamdam ang pagmamalasakit at pagtatanggol sa mga higit na nakakaranas nito.

“Tatlo po ang hamon sa atin ng selebrasyong ito at ng ating ebanghelyo. Una, huwag matakot na makinig sa mga hinaing at sakripisyo ng ating kapwa; ikalawa, huwag matakot na magsalita laban sa mga nagpapanukala ng kultura ng kamatayan; at ikatlo, huwag matakot na magpakumbaba at humingi ng tawad dahil may mga pagkakataong tayo’y naging sanhi rin ng pag-uusig at pagdurusa ng ating kapwa at pati na rin ng pagkakawatak-watak ng bawat isa,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Vergara.

Iginiit din ng opisyal ng CBCP na nawa’y maging huwaran ng mga mananampalataya ang naging buhay ng dalawang Pilipinong santo na sina San Lorenzo Ruiz de Manila at San Pedro Calungsod na inialay ang buhay upang patunayan ang kanilang tapat na pagmamahal sa pananampalatayang Kristiyano.

“Tularan po natin sina San Lorenzo Ruiz de Manila at San Pedro Calungsod na naging martir upang ipagtanggol ang ating pananampalataya at hindi natakot ialay ang kanilang buhay at matamo ang buhay na walang hanggan,” ayon kay Bishop Vergara.

Samantala, sinabi naman ni Aid to the Church in Need (ACN) Philippines executive director, Monsignor Pedro Gerardo Santos na hangga’t ang katotohanan ng Diyos ang pinanghahawakan, walang sinumang kristiyano ang makakaramdam ng takot sa kabila ng pang-uusig.

“Walang kristiyanong katoliko na matatakot sapagkat hinaharap n’ya ang masama. Sapagkat ang sandata niya ay katotohanan ng Diyos,” ayon kay Msgr. Santos.

Nakiisa rin sa Red Wednesday campaign ang iba’t ibang diyosesis, parokya at mga institusyon ng simbahan sa buong bansa sa pamamagitan ng pagpapailaw ng pula sa mga gusali bilang pag-alala sa mga nag-alay ng buhay upang ipagtanggol ang pananampalatayang kristiyano.

Tema ngayong taon ng Red Wednesday ang “Red without fear: A Church journeying as one”.

Taong 2016 nang simulan ito sa United Kingdom at 2017 naman nang makibahagi dito ang Pilipinas.

Habang noong Enero 2020 naman nang aprubahan ng CBCP na maging bahagi na ng taunang pagdiriwang ng Simbahang Katolika sa bansa ang Red Wednesday Campaign.