Ipaglaban ang Kalayaan; tutulan ang Anti-terror bill! - Veritas846
500 Years of Christianity CountdownCountdown

June 12, 2020-8:38pm

Umaasa si Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na hindi madungisan ng isinusulong na Anti-Terror Act of 2020 ang kalayaan na matagal na ipinaglaban at isinulong ng mga mamamayang Filipino.

Ito ang binigyang diin ni Bishop Bagaforo na siya ring Chairman ng CBCP-NASSA/Caritas Philippines kaugnay sa ika-122 taong paggunita ng Araw ng Kasarinlan ng bansa sa ika-12 ng Hunyo.

Ayon sa Obispo, magpahanggang ngayon ay patuloy pa ring ipinaglalaban ng mamamayang Filipino ang kalayaan na maaring madungisan ng isinusulong ng mga mambabatas na Anti-Terror Act na naglalaman ng maraming mga probisyon na labag sa mismong Saligang Batas.

“Yun ang ipinaglalaban, yung ating kalayaan at sana ay hindi madungisan yung ating pag-celebrate ng ating kalayaan dito sa gagawing Anti-Terror Act’ na maraming mga provisions doon na labag sa ating values na ipinaglalaban para sa ating Kalayaan,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam sa Radio Veritas.

Paliwanag ng Obispo, ang mga probinsyon na labag sa karapatang pantao at kalayaan sa pagpapahayag ng mga mamamayan na nasasaad sa Anti-Terror Act of 2020 ang patuloy na iniiwasang muling masiil sa kasalukuyang panahon.

Giit ni Bishop Bagaforo, mahalagang masuri ang mga nilalamang probisyon ng panukalang batas na lagda na lamang ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kinakailangan upang maging ganap na batas.

“Sana hindi mangyari uli yung ganun at yun ang gusto nating iwasan at yun ang ating ipinaglalaban kontra sa maraming probisyon na maipasok sa Anti-Terror Act na maaring pirmahan ng ating Pangulo,” dagdag pa ni Bishop Bagaforo.

Tema ng paggunita sa ika-122 Araw ng Kalayaan ngayong taon ang “Kalayaan 2020: Towards a Free, United, and Safe Nation”.

Nauna ng kinOndina ng NASSA/Caritas Philippines ang panukalang Anti-Terror Act of 2020 na taliwas sa Konstitusyon at labag sa karapatan ng bawat mamamayang Filipino.