Cultural

Ilan pang paalala ng simbahan laban sa Corona virus

Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga parokya na tuwinang palitan ang tubig sa ‘holy pond’.

Ito ang inihayag ni Fr. Dan Cancino-executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care bilang karagdagang pag-iingat sa pagkalat ng Corona virus bukod sa pagsusuot ng face mask at tuwinang paghuhugas ng kamay.

Payo pa ni Fr. cancino ang paglalagay ng kurtina o tela sa confessional box at dapat na malimit na palitan.

“Sa ating mga parokya malimit po sana nating palitan yung holy water sa ating mga punds (sawsawan) at nakikita natin yung ibang holy water ay matagal na po. ‘Yung sa ating confessional box po sana po nilalagyan natin ng tela, palitan po natin yung tela kung minsan kasi matagal na, malimit po nating palitan,” ayon kay Fr. Cancino.

Ayon sa pari, ito ay mga karagdagang pag-iingat na ipinatupad din noong unang kumalat ang sakit na Mers-Cov at SARS.

Payo din ni Fr. Cancino sa mga deboto na huwag humawak sa mga santo matapos bumahing.

“Pwede rin po muna nating iwasan itong practices na ‘to lalong lalo na po sa ating mga prusisyon at pag marami pong tao talaga. di pa rin po tayo talaga nakakasigurado. Just to contribute sa ating mga preventive measures so all are encouraged to practice these guidelines,” ayon kay Fr. Cancino.

Bukod sa Oratio Imperata, pinapayuhan din sa inilabas na tagubilin ng cbcp ang pag-iwas muna sa paghahawak kamay sa pagdarasal ng Ama Namin at ang pagtanggap ng komunyon sa pamamagitan ng bibig.