EconomicsLatest News

Ika-34 na Charity store ng Caritas Manila, nagbukas na

Tiniyak ng pamunuan ng Caritas Manila ang pagpapalawak sa mga programa ng social arm ng Arkidiyosesis ng Maynila upang higit matulungan ang mga dukha sa lipunan.

Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila at pangulo ng Radio Veritas- pagtutuunan ng pansin ng institusyon ang mga programang makatulong mabawasan ang karukhaan sa bansa.

Ang pahayag ng pari ay kasabay ng pagbubukas sa ika-34 na sangay ng Segunda Mana Charity outlet sa Marikina City nitong ika-11 ng Pebrero.

Binigyang diin ni Fr. Pascual na mahalagang matugunan ang sektor ng edukasyon sa bansa sapagkat ito ang mabisang pamaraan upang matugunan ang kahirapan.

“Ang edukasyon talaga ang bibigyan natin ng pansin kasi ito ang susi na mabawasan ang mga mahihirap na Filipino,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.

Nasa limang libong kabataan ang tinutulungan ng Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP sa buong bansa na pangunahing tinutustusan ng Segunda Mana-ang donation in kind program ng Caritas Manila.

Mabibili sa mga charity outlet ang mga kagamitang tulad ng damit, bag, sapatos, mga gamit na pambahay sa abot kayang halaga na karamihan ay mga pull out items mula sa kilalang mga establisimiyento sa Kalakhang Maynila kaya’t hinimok ni Fr. Pascual ang mamamayan na bisitahin ang mga outlets ng Segunda Mana.

“Inaanyayahan ko ang mga Kapanalig na tangkilikin ninyo ang Segunda Mana dahil bukod sa nakabili ka na ng mga dekalidad na produkto, nakatulong pa sa mga scholars ng YSLEP,” dagdag pa ng pari.

Ayon naman kay Barry Camique, program director ng Segunda Mana, umabot sa 70.3 milyong piso ang kinita ng Segunda Mana noong 2019 habang sisikaping maabot ang 100-milyong pisong target ngayong taon.