207 total views
Ito ang naging pahayag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity sa lumabas na survey na mas maraming Pilipino ang nananatiling optimistiko sa buhay at maging sa ekonomiya ngayong 2017.
Ayon kay Bishop Pabillo, huwag nawang biguin ng gobyerno ang mamamayan na nagsusumikap na makakaahon sa kahirapan at magkakaroon ng maginhawang pamumuhay lalo na sa pagsusulong pa ng mga programang makapagbibigay sa kanila ng hanap – buhay.
“Kung ganyan ang feeling ng mga tao ay maganda, ibig sabihin niyan mayroon silang pag – asa. Umaasa sila na mas maganda ang kinabukasan nila, sana maging totoo,mangyari yung kanilang inaasam. Maganda kung ganyan ang kanilang feeling ang kanilang damdamin.”pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Batay sa December survey ng SWS o Social Weather Stations, lumalabas na 37-percent ang nasabing gumanda ang kanilang buhay sa nakalipas na 12 buwan, habang 21 percent ang naniniwalang ito ay sasama.
Samantala, 48 percent ng mga respondent ang umaasang bubuti ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa susunod na 12 buwan habang tatlong porsyento ang nagsabing lulubha ang kanilang kalagayan.
Ayon sa SWS, nasa positive 40 pataas ang net personal optimism sa nakalipas na limang quarter.
Nauna na rito ang programa ng Caritas Margins na nagbibigay pagkakataon sa mga micro – entrepreneur sa bansa na maibida ang kabuhayan at maibenta ang produkto ng mga urban at rural communities sa bansa.