Cultural

Hospicio de San Jose, Umaapela ng tulong sa DPWH

Umaapela ng tulong ang pamunuan ng Hospicio de San Jose sa Department of Public Works and Highways kaugnay sa dalawang pader na natibag sa kaliwang bahagi ng lugar na pumuprotekta sa Institusyon sa pagpasok ng tubig mula sa Pasig River.

Ayon kay Sr. Maria Socorro Pilar G. Evidente, DC – Administrator ng Hospicio de San Jose, naunang naipangako ng DPWH ang pagsasagawa ng perimeter wall ng Institusyon ngunit magpa-hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito naisasaayos.

Bukod dito ibinahagi rin ng Madre na may Erosion o Pagguho din ng lupa ang nagaganap sa naturang bahagi kaya’t halos 2-taon na ring hindi nagagamit ang isang Dormitoryo ng Institusyon na dapat ay para sa mga bata.

“Kaya nga nananawagan din ako sa DPWH kasi may pangako sila na tatapusin nila ang perimeter wall, alam nila yan nakita na nila yang lugar na yan dun sa left side na may mga natibag na diyan, meron na diyan nag-erosion na nga, may pumasok na ngang tubig kaya ang isang Dormitory naming pang-nursery ay na-vacate na nga for 2-years kasi may Erosion and yet yun nga hindi pa nila nari-repair.” pahayag ng Madre sa Radio Veritas

Pagsasalarawan pa ng Madre, dahil sa wala na ang pader na pumoprotekta sa institusyon mula sa tubig sa Pasig River ay halos pantay na ang tubig ng ilog sa institusyon lalo na’t nagkasabay pa ang high-tide at ang lakas ng ulan.

“So bale you could imagine na wala na yung wall na facing the river instead yung ground namin pantay na ng tubig sa river…” dagdag pa ni Sr. Evidente.

Bukod dito, umapela rin ang Madre ng panalangin upang hindi na muling tumaas pa ang tubig sa ilog lalo na’t dalawang bangka lamang ang maaring magamit upang mai-evacuate ang mga residente sa institusyon na mapanganib rin para sa iba pang mga kawani at volunteers.

“Prayers na hindi na tumaas dahil hindi namin kakayanin, we only have 2 bangka here tapos at risk din yung mga personnel namin at saka mga College Students namin who were helping in the Evacuation.” panawagan ng Madre

Batay sa tala mayroong 300 residents ang Hospicio de San Jose kabilang dito ang mga kinukupkop ng institusyon na mga abandonadong bata, sanggol, mga naabusong kababaihan, may mga sakit, may kapansanan at mga matatanda.

Ang Hospicio de San Jose ang itinuturing na pinaka-matagal ng Catholic Charitable Institution sa Bansa na naitatag noong 1810 at pinamamahalaan ng Daughters of Charity of St. Vincent de Paul.