CulturalLatest News

Hingin ang tulong ni San Roque, laban sa COVID-19

Hinikayat ni Antipolo Bishop Francisco De Leon ang mananampalataya na manalangin kay San Roque dulot ng banta ng Corona Virus Disease o COVID-19.

Ito ay kaugnay na rin sa panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa na sa kabuuan ay umabot na lima makaraang kumpirmahin ng Department of Health (DoH) ang dalawang bagong kaso.

Ayon sa DoH, ito ay ang isang 48 gulang na Filipino mula sa Japan at ang 62 taong gulang na Filipino na hindi naman lumabas ng bansa-ang kauna-unahang local transmission ng virus sa Pilipinas.

Ayon sa Obispo, bukod sa pag-iingat na ipinatutupad ng pamahalaan at ng simbahan, makatutulong rin ang paghingi ng pagpapamagitan ni San Rouqe na siya ring patron ng mga may sakit.

“Bilang pagdarasal rin ay maaari natin padaanin ito sa mga patron ng mga may plague (salot) tulad ni San Roque. Pwede tayo magdasal at magsumamo sa kanya na maging intercessor siya natin sa Panginoon. Kilala po natin si San Roque, kaya tawagan po natin siya na ipagdasal sa Panginoon na matapos na ang plague na ito,” bahagi ng pahayag ni Bishop De Leon sa Radyo Veritas.

Inanyayahan rin ng obispo ang mga mananampatalaya na sumunod sa mga panuntunan ng pamahalaan kaugnay ng COVID-19.

Una na ring nagpatupad ang Simbahan ng mga panuntunan upang maging mas ligtas ang mga mananampalataya lalo na ngayong panahon ng Kwaresma.

Read: Panuntunan ng CBCP laban sa COVID-19 sa Holy Week

Patuloy ang abiso ng CBCP na dasalin ang sa lahat ng banal na misa ang Oratio Imperata laban COVID-19. (Cindy Gorospe)