Higpitan ang mga ipinatutupad na panuntunan laban sa banta ng COVID-19 pandemic sa halip na muling ipasara ang mga negosyo.

Ito ang mungkahi ni NASSA/Caritas Philippines National Chairman Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo dahil na rin sa posibilidad kung saan maraming manggagawa ang muling mawawalan ng kabuhayan dahil na rin sa pag-iral ng alert level 3 status sa Metro Manila na nagsimula noong January 3 at magtatagal hanggang January 15, 2021.

Pagbabahagi ng Obispo, kasabay ng pagpapatuloy ng pandemya ay patuloy din ang ibat-ibang Diocesan Social Action Centers sa mga inisyatibo upang makatulong sa mga pamilyang nawalan ng kabuhayan ng dahil sa pandemya.

“Mga diocesan Caritas, meron programs for mga displaced families due to COVID-19. Wag i-close mga business establishments, maging strict lang sa protocol,” ayon sa mensahe ng Obispo sa Radio Veritas.

Apela ni Bishop Bagaforo sa pamahalaan ang pagkakaroon ng pinahigpit na screening process ng mga darating na overseas Filipino workers, banyaga at turista.

Ito ay kasabay ng panawagan sa mga local government inits (LGU) na paigtingin ang kanilang pagtukoy sa mga manggagawang mawawalan ng trabaho upang agad na makatulong at maibsan ang kanilang pasanin.

“Restrictions sa mga incoming tourists paigtiingin pa… Better screening process sa mga from abroad… para sa mga panawagan sa LGU’s especially barangays na i-monitor nila mabuti ‘yun mga mawawalan ng trabaho dahil sa alert 3…at give enough ayuda again,” ayon sa apela ng Obispo.

Paalala rin ni Bishop Bagaforo sa bawat mamamayan ang patuloy na pagsunod sa mga ipinapatupad na health protocols upang makaiwas sa COVID-19 higit na sa pag-usbong ng bagong Omicron variant na pinangangambahang mas mabilis makahawa kumpara sa Delta variant.

“The surge of COVID Omicron variant should be a concerned of everyone. We can prevent its spread… I reiterate the DOH calls.. Wear mask always, avoid crowded places, don’t go out in public places unless necessary,” ani Bishop Bagaforo.