Nagpaabot ng pagbati ang mga Filipinong pari sa Roma sa pagtatalaga ng Santo Papa Francisco sa dalawang pinuno ng simbahan sa Pilipinas.

Ayon kay Fr. Greg Gaston, Rector ng Pontificio Colegio Filipino, isang biyaya ang pagtatalaga ng Santo Papa kina Manila auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa Apostolic Vicariate ng Taytay Palawan at Bishop-elect Noel Pedregosa sa Malaybalay.

“Nagpapasalamat tayo sa kanya (Pabillo) na matagal siya d’yan sa Manila sa lahat ng mga nagawa niya at sa kanyang patuloy na panalangin para sa atin. Sa Bukidnon din sa Mindanao ay may bagong Obispo din sila si Fr. Pedregosa, siya ang dating namamahala sa diyosesis no’ng wala pang Obispo at siya ay ginawang Obispo ng Malaybalay. Kaya ipinagdarasal natin si Bishop Pabillo at si Bishop Noel,” ayon kay Fr. Gaston.

Ang pagtatalaga ay inanunsyo ng Santo Papa Francisco sa ginanap ng pagdiriwang ng Pope’s Day sa Vatican.

Kasabay pista ng Sts. Peter and Paul, ipinagdiwang din ni Pope Francis ang paggawad ng pallium sa mga bagong Arsobispo.

Kabilang sa mga tatanggap ng pallium ayon kay Fr. Gaston si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na iniluklok noong June 24 sa Manila Cathedral.

Si Cardinal Advincula ay hindi nakadalo sa pagtanggap ng pallium dulot na rin ng pananatiling banta ng pandemya.

Ang pallium ay piraso ng tela o lana na iginagawad sa mga Arsobispo na sumisimbolo sa kaisahan ng bawat pinuno ng arkidiyosesis sa buong mundo sa Santo Papa.

Sa taong 2021, may tatlong pinuno sa simbahan ng Pilipinas ang hinirang ni Pope Francis upang punan ang sede vacante.

Marso nang italaga ang Kaniyang Kabunyian Jose Cardinal Advincula bilang Arsobispo ng Maynila.

Magkasabay namang itinalaga sina Bishop Pabillo at Bishop-elect Pedregosa sa Taytay Palawan at Diyosesis ng Malaybalay.

Ang pagtatalaga ng mga bagong pinuno ay naisakatuparan sa loob ng panunungkulan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown na itinalaga sa bansa noong 2020.

Sa kasalukuyan, mula sa anim na sede vacante, may apat pang pastoral jurisdiction sa Pilipinas ang walang Obispo -ang Arkidiyosesis ng Capiz, Diyosesis ng Alaminos, Apostolic Vicariates ng Calapan at San Jose Mindoro.

Sa panunungkulan din ng bagong Nuncio nang hiranging Cardinal si dating Capiz Archbishop Advincula.