September 18, 2020-1:30pm

Nagpaabot ng pagbati at panalangin si Jolo Bishop Charlie Inzon, OMI sa bagong talagang Provincial Superior ng Missionary Oblates of Mary Immaculate in the Philippines na si Rev. Fr. Gerry de los Reyes, OMI.

Ayon kay Bishop Inzon nawa ay gabayan ng Panginoon si Fr. delos Reyes upang mapamunuan ang religious congregation ng buong katapangan at sigla lalu na sa patuloy na krisis na kinahaharap ng lahat mula sa COVID-19 pandemic.

Ipinapanalangin rin ng Obispo na nawa ay makapaghatid rin ng bagong pag-asa para sa buong kongregasyon ang pagkakaroon ng bagong provincial superior ng OMI Philippines.

“Congratulations to Fr. Gerry. I pray that he leads with hope and courage that come from the Lord,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Inzon sa Radio Veritas.

Ang missionary priest na si Fr. de los Reyes ay matagal na nadistino sa Thailand at nagsilbi rin bilang Thai-Laos Delegation Superior bago naitalaga sa pamunuan ang Missionary Oblates of Mary Immaculate in the Philippines.

Si Fr. de los Reyes ang hahalili kay Jolo Bishop Charlie Inzon na itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco upang magsilbing pinunong pastol ng Apostolic Vicariate of Jolo noong Abril ng kasalukuyang taon.

Ipinanganak sa Cotabato City noong August 14, 1964, pumasok sa Oblates Juniorate Seminary si Fr. de los Reyes taong 1983.

Taong 1988 nagtapos ng Philosophy si Fr. de los Reyes sa Notre Dame University at nagtapos naman ng Theology sa Loyola School of Theology kung saan Abril taong 1993 ng siya ay maordinahan bilang pari.

Nagsilbi si Fr. de los Reyes bilang Parochial Vicar ng Our Lady of Grace Parish sa Grace Park, Caloocan City noong taong 1996.

Naglingkod din si Fr. de los Reyes bilang foreign missionary noong 1998 bago maitalaga bilang miyembro ng Thailand Delegation taong 1999 hanggang maging Thai-Laos Delegation Superior.

Pamumunuan ni Fr. De los Reyes ang OMI Philippines sa loob ng tatlong taon.