Cultural

Filipino hospitality, ipadama sa mga atleta ng SEA Games

Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mamamayan na magkaisang ipakita ang tunay na katangian ng mga Filipino bilang magiliw sa pagtanggap ng mga panauhin.

Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, pinuno ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples’ (CBCP-ECMI) na dapat ipadama ng mga Filipino ang mainit na pagtanggap sa mga dayuhang bumibisita sa bansa.

“Let us all together, one and united to show our true face, that is, our caring and compassionate hospitality. We are all welcoming and endearing Filipinos, and so let them experience from us warm, concern and friendship,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.

Ang pahayag ng obispo ay kaugnay sa gaganaping 32nd Southeast Asian Games na magbubukas sa ika-30 ng Nobyembre kung saan ang Pilipinas ang napiling host country.

Nanawagan din si Bishop Santos sa mamamayan na wakasan ang hindi magagandang komento hinggil sa mga pagkukulang sa pagtanggap ng mga dayuhang manlalaro sa SEA Games 2019 sapagkat hindi ito nakatutulong sa paglutas sa suliranin.

“Let us set aside bitter criticism, unsavoury comments which will not inspire nor encourage our athletes and guests,” ani ni Bishop Santos.

Una nang binatikos ng mamamayan hindi lamang ng Pilipinas kundi ng mga dayuhang bansa ang kakulangan sa kahandaan ng bansa sa pagtanggap ng mga atleta mula sa iba’t ibang bansa, ang pagbibigay ng pagkain at maging ang hindi pa natatapos na mga venue kung saan gaganapin ang ibang mga laro ng SEA Games.

Isang netizen naman ang nanawagan sa iba’t ibang insitusyon na magbayanihan upang suportahan ang mga atleta na kalahok ng SEA Games halimbawa sa pagbibigay ng pagkain at matutuluyan.

Binigyang diin ng pinuno ng migrants ministry ng simbahan na magkaisa ang mamamayan sa pagtulong sa anumang pamamaraan upang mapalakas ang kalooban ng bawat manlalaro.

“Let us foster cooperation and extend our helping hands to build up one another and our country; with this, we will win more than gold, we win their hearts and mind. Goodwill triumphs!”