Naniniwala si Vice President Leni Robredo na naaangkop at magandang paalala ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus sa pagmamahal ng Panginoon para sa bawat isa.

Ito ang bahagi ng mensahe ng pakikiisa ng pangalawang pangulo ng bansa sa pagdiriwang ng mga Kristiyano sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus.

Sa pamamagitan ng isang video message ay ibinahagi ni Robredo ang hatid na panibagong pag-asa at katatagan sa bawat isa ng pagtatagumpay ni Hesus mula sa kamatayan sa Krus.

“If there is anything that Easter and the Lenten Season reminds us, it is that during these extraordinary times of darkness, we are renewed by our faith, hope, and love for one another. Ito ang nagpapatatag at nagpapalakas sa atin, ang sisigurong maaalpasan natin ang kalbaryong pasan natin ngayon…” pahayag ni Robredo.

Ipinaliwanag ni Robredo na napakahalaga ng suportang pang-espiritwal na naidudulot ng pananampalataya lalo na sa gitna ng COVID-19 pandemic “Ito ang pangalawa nating Pasko ng Pagkabuhay sa ilalim ng COVID-19. Sa nakalipas na linggo, nakita natin kung paano nito patuloy na binabago ang buhay natin; cases in our communities continue to rise, our healthcare systems are close to being overwhelmed, the economy is still shrinking, and many of us – from medical professionals to the daily wage earner are struggling everyday with these disruptions.” Dagdag pa ni Vice President Robredo.

Umaasa si Robredo na ganap na makapagdulot ng tapang at inspirasyon ang Muling Pagkabuhay ni Hesus para muling magsimula at makabangon mula sa mapanghamong panahon ang bawat isa. Batay sa tala ng Department of Health umaabot na sa 803,398 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa bansa kasunod ng muling pagtaas ng kaso ng sakit sa bansa.