159 total views
Ito ang nilinaw ni incoming Catholic Bishops Conference of the Philippines Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgilio David sa mga alegasyon ng pakikialam ng Simbahan sa kaso ng pagpatay sa 17-taong gulang na si Kian Delos Santos noong ika-16 ng Agosto.
Nilinaw ni Bishop David na hindi mga kriminal sa halip ay mga menor de edad na testigo sa krimen ang pino-protektahan ng Diocese of Caloocan upang makamit ang katarungan kaya’t walang nilalabag na batas ang Simbahan sa pagbibigay protective custody at sanctuary sa mga batang saksi.
Hinimok din ni Bishop David ang iba pang testigo sa mga drug related killings at mga biktima ng karahasan partikular sa South Caloocan, Malabon at Navotas na maging matapang at lumantad upang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng iba pa sa war on drugs ng pamahalaan.
Iginiit ng Obispo na napapanahon ng mapatunayang hindi ‘isolated cases’ ang kaso ng 17-taong gulang na si Kian, 19 na taong gulang na si Carl Angelo Arnaiz, 14 na taong gulang na si Reynaldo de Guzman gayundin ang iba pang pagpaslang sa mga kabataan.
“Kung ikaw ay kapamilya ng isang biktima ng extra judicial killings o saksi sa extra judicial killings ng isang biktima ngayon na ang panahon para lumabas at patunayan na hindi isolated cases sila Kian, Carl at Reynaldo…”panawagan ni Bishop David.
Inihayag ng Obispo na maaring lumapit sa mga kura-paroko ng mga Simbahan ng Diocese of Caloocan ang sinumang nais na maidokumento ang kanilang mga kuwento sa tulong na rin ng mga volunteer lawyers.
“Kung ikaw ay taga-South Caloocan, Malabon o Navotas at nais mong madokumento ang kuwento mo sa pag-asang makapagsampa ka ng kaso sa takdang panahon sa tulong ng mga volunteer lawyers at walang gastos dumalaw lang po sa Pari ng inyong parokya sa kura paroko na magpapayo sa inyo kung anong dapat gawin at kung paano gagawin ito…” Dagdag pa ni Bishop David.
Hindi pa rin maaalis ng Obispo ang pangamba sa pagpapatuloy ng mga walang katuturang pagkamatay ng mga inosenteng sibilyan at mas dadami pa ang mga Kian, Carlo at Reynaldo na mga kabataan na magbubuwis ng buhay hangga’t hindi babaguhin o ihinto ang maling pamamaraan at kung patuloy na magtago at manahimik ang mga saksi sa krimen.
Naunang ipinagtanggol ng dating Pangulo ng Integrated Bar of the Philippines o IBP si Bishop David sa pagbibigay ng kanlungan at proteksiyon sa mga batang testigo sa Kian slay.
Read: Simbahan, ipinagtanggol ng dating pangulo ng IBP.
Obispo, nagpapasalamat sa suporta ng IBP