Cultural

Evangelical Churches, kinundena ang Priest killings

Nagpahayag ng pakikiisa sa pagkundina laban sa pagpatay sa mga lingkod ng Simbahan ang Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC).

Ayon kay Bishop Noel Pantoja – National Director ng PCEC, nakalulungkot, nakakaalarma at nakakapangamba ang walang saysay na nagaganap na sunod-sunod na pagkitil ng buhay sa mga lingkod ng Simbahan sa ating bansa.

“Dito sa nagaganap na sunod-sunod na pagpatay sa mga lingkod ng Simbahan, ito ay mariing kinukundina ng Simbahan ng Philippine Council of Evangelical Churches ang nagaganap na walang saysay na pagkitil ng buhay lalong lalo na sa mga lingkod ng Simbahan…” pahayag ni Bishop Noel Pantoja sa panayam sa Radyo Veritas.

Paliwanag ni Bishop Pantoja, bagamat mayroong nagaganap na religious persecution sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay hindi naman ito maituturing na sitwasyon sa Pilipinas sapagkat wala namang religious conflicts sa ating bansa o labanan sa pagitan ng mga Katoliko, Protestante, Muslim at maging mga Kristyano.

“Nakikita natin sa buong mundo merong persecution of Christians at ito ay bunsod siguro ng mga religious conflicts dito naman sa ating bansa ay wala namang religious conflicts, walang labanan dito ng mga Katoliko, mga Protestante maging ang mga Muslim at mga Kristiyano ay walang ditong religious conflict, walang spiritual wars between churches…” Dagdag pa ni Bishop Noel Pantoja.

Pagbabahagi ni Bishop Pantoja, nakadidismaya ang hayagang pagmumura at pagbibitaw ng mga masasakit na salita at banta ng pinakamataas na pinuno ng bansa laban sa mga Obispo at mga Pari ng Simbahan.

Giit ni Bishop Pantoja, kung ang mga impormasyon at ang pinangangalingan ng tila galit ng Pangulo sa mga lingkod ng Simbahan ay bunsod ng pagkakamali na nagawa ng ilan, ay hindi parin nito dapat na lahatin ang mga tapat na nagsisilbi at naglilingkod sa Simbahan.

“nakakalungkot kasi nga tayo ay witness sa ilang mga pangungusap, pagmumura sa pangunahing ama ng bayan sa mga Bishops, sa mga Pari at ito nga ay alam naman natin bunsod sa ilang mga pagkakamali ng mga lingkod ng Simbahan maaring ito ay nangyari sa kanya o sa ibang tao pero hindi dapat lahatin ng lider ng ating bayan ang buong Simbahan…” Giit pa ni Bishop Noel Pantoja.

Dahil dito, nanawagan sa Pangulo si Bishop Pantoja upang ihinto at wakasan na ang ‘word war’ laban sa Simbahan.

Bukod dito, umapela rin si Pantoja sa mga pulis na dagliang bigyan ng katarungan ang sunod sunod na marahas na pagkamatay ng mga lingkod ng Simbahan.

Sa tala, magmula lamang noong Disyembre ng nakalipas na taon ay pangatlo na ang kaso ng marahas na pagkamatay ni Fr. Richmond Nilo ng Diocese of Cabanatuan sa mga napapatay na Pari ng Simbahan Katolika matapos na barilin ng hindi pa nakikilalang salarin noong linggo sa kapilya ng Nuestra Señora de la Nieve sa Zaragoza, Nueva Ecija.

Matatandaan noong ika-5 ng Disyembre ng nakalipas ng taong 2017 ay 9 na beses na binaril ng hindi pa nakikilalang mga salarin si Fr. Marcelito “Tito” Paez ng Diocese of San Jose habang nasa loob ng kanyang sasakyan sa San Leonardo, Nueva Ecija habang noong ika-29 naman ng Abril ng kasalukuyang taon nang barilin din si Rev. Fr. Mark Anthony Ventura ng Archdiocese of Tuguegarao matapos ang kanyang misa sa Brgy. Peña Weste, Gattaran Cagayan.